Korte Suprema walang jurisdiction sa ABS-CBN franchise, sabi ng kaalyado ni Duterte
MANILA, Philippines — Hindi raw saklaw ng Korte Suprema ang pagdedesisyon kaugnay ng prangkisa ng ABS-CBN, ayon sa isang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, Miyerkules.
Ito ang ipinaliwanag ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na isa sa mga nagsusulong ng pederalismo ni Duterte sa Kamara, sa panayam ng "Early Edition" sa ANC.
"Ibinigay ng Saligang Batas sa Konggreso ang kapangyarihan pagdating sa mga prangkisa. Mali si Solicitor General [Jose] Calida na agawin ang kapangyarihan ng Konggreso sa pamamagitan ng pagpunta ng Korte Suprema," ani Rodriguez sa Inggles.
Matatandaang naghain ng quo warranto petition si Calida sa Korte Suprema sa pag-asang mababawi ito sa ABS-CBN.
Ilan sa mga inirereklamo ni Calida ay ang diumano'y pamumuhunan dito ng mga dayuhan at pagpapatakbo ng Kapamilya Network sa KBO kahit na wala raw silang permit.
Pero sabi ni Rodriguez, hindi sila magpapatinag sa ginagawa ng punong abogado ng republika.
"Agad na ibabasura 'yan sa grounds na lagpas 'yan sa saklaw ng Korte Suprema, at ikalawa, wala itong batayan... Hindi kami mapipigilan ng filing na 'yan," wika pa niya.
Una nang tiniyak ni Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri na suportado ng karamihan ng 24 senador ang franchise renewal ng pinakamalaking media company sa bansa.
Nagpakita na rin ng suporta ang National Union of Journalists of the Philippines, PNP Press Corps, Defense Press Corps, at ilang personalidad mula sa karibal na GMA-7 sa renewal ng kanilawng prangkisa.
Sinasabing 11,000 empleyado ang maaapektuhan oras na hindi marenew ang legislative franchise ng istasyon.
Nangyayari ang lahat ng ito habang alam ng publiko ang kiskisan ni Duterte sa istasyon dahil sa diumano'y hindi nila pag-eere ng kanyang mga patalastas noong tumatakbo pa siya sa pagkapresidente noong 2016. — James Relativo
- Latest