MANILA, Philippines — Hindi bababa sa dalawang doktor mula sa Philippine Military Academy ang haharap sa mga kaso kaugnay ng pagkamatay ng hazing victim na si Fourth Class Cadet Darwin Dormitorio.
Haharap sa criminal negligence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code sina assisting physician Major Maria Ofelia Beloy at Captain Florence Apple Apostol, ayon kay Baguio City police director Police Col. Allen Rae Co.
Ayon sa ulat ng The STAR, sina Beloy at Apostol ang nagsertipikang namatay sa cardiac arrest secondary to internal hemorrahage si Dormitorio.
Matatandaang sinibak sa pwesto sina Apostol at PMA hospital Commander Col. Cesar Candelaria.
Ika-18 ng Setyembre nang mamatay ang PMA freshman bunsod ng pagmamaltratong nangyari sa loob ng primyadong military school.
Bago bawian ng buhay, na-diagnose na urinary tract infection ang kanyang iniinda at pinalabas din, hanggang sa nagsimula na siyang magsuka sa kanilang barracks.
Una nang naibalita na pinagsusuntok, pinagsisipa at kinuryente si Dormitorio diumano ng mga nakatatandang kadete.
Nasa kostodiya pa rin ng PMA ang pitong cadet-suspects na iniuugnay sa kaso, ayon kay Co.
Linggo nang idagdag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang pinakabagong suspek sa kaso.
Hindi man pinangalanan ni Año, sinabing isa siya sa mga direktang may kinalaman sa hazing ni Dormitorio.
Pagbabahagi pa ni Co, isang third class cadet ang ika-pitong kadete.
Lumabas ang mga pangalan nina Cadet Third Class Shalimar Imperial, Cadet Third Class Cadet Third Class Felix Lumbag at isang "cadet Manalo" sa liham na isinulat ni Dormitorio tungkol sa pinagdaanang pananakit. — may mga ulat mula kina Artemio Dumlao at Emmanuel Tupas