Namatay na PMA cadet pinagsusuntok din kaugnay ng paggastos
MANILA, Philippines — Sa isang liham, ikwinento ni Fourth Class Darwin Dormitorio isang buwan bago mamatay ang pagmamaltratong inabot mula sa mga kapwa kadete ng Philippine Military Academy kaugnay ng paggastos.
Sa sulat na inilabas ng otoridad, sinabi ng 20-anyos na hazing victim na pinasubaybayan daw ang paggalaw ng mga plebo ng Echo Company sa kanilang allowance noong ika-19 ng Agosto.
Pero ang problema, tila naparami na ang nagastos ni Darwin noong panahon na 'yon.
"Kalahati na ng allowance ko ang nagastos ko, at nabastusan ang mga buddy ko na sina Cadet Imperial, Cadet, Lumbag at Cadet Manalo," wika ng kadete sa Inggles.
Inilahad ni PMA Cadet Darwin Dormitorio sa isang sulat ang isa sa mga dahilan ng pananakit sa kanya ng ilang kadete. Isinulat ni Dormitorio ang pahayag habang iniimbestighan ng PMA ang kanyang pagkaka-ospital mula Aug. 20 hanggang 27. | via @PatMangune pic.twitter.com/DdDxYC4O5b
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) September 27, 2019
Nang mangyari ito, inutusan na raw siyang gumawa ng iba't ibang uri ng ehersiyo: knuckles out, bridge under bunks at pumping excercises.
"Nahulog ako sa bridge under bunk nang ilang beses at maka-ilang-ulit tumama sa sahig," patuloy ni Dormitorio.
"Galit na galit si Cadet Lumbag at pinataas ang bisig ko habang pinagsusuntok ako sa katawan at ribs."
Ang tinutukoy niyang mga kadete ay mga upperclassmen ng naturang paaralan: sina Cadet Third Class Shalimar Imperial at Cadet Third Class Felix Lumbag, na una nang tinukoy bilang may "direktang partisipasyon" sa hazing ng binata.
"Ilang beses pa ako tinamaan matapos noon," dagdag niya.
5 PMA cadets, medical officer kakasuhan
Kasama sina Imperial at Lumbag sa mga kakasuhan ng paglabag sa Anti-Hazing Law sa Lunes.
Maliban sa kanilang dalawa, nakatakda ring kasuhan sina Cadet First Class Axel Ray Sanupao, dalawang hindi pa tinutukoy na kadete at isang medical officer dahil sa "criminal negligence."
Hindi pa malinaw kung kasama ang "Cadet Manalo" sa mga ihahabla.
Matatandaang namatay si Dormitorio noong ika-18 ng Setyembre, Miyerkules noong nakaraang linggo kaugnay ng mga tama sa katawan dulot ng hazing.
Naospital si Dormitorio noong Agosto, at bumalik sa PMA station hospital noong ika-17 ng Setyembre, isang araw bago siya pumanaw.
Unang na-diagnose ng ospital bilang urinary tract infection ang kanyang iniinda at pinalabas din, hanggang sa nagsimula na siyang magsuka sa kanilang barracks.
'Paninipa, pangunguryente'
Ayon kay Police Regional Office-Cordillera regional director BGen Israel Dickson na ang dalawang dagdag na suspek ay sangkot sa paninipa sa ulo at pangunguryente kay Dormitorio.
PNP Baguio City & PRO-Cordillera Regional Director BGen Israel Dickson says they have 2 additional suspects on the death of PMA Cadet 4th Cl Dormitorio, who harmed him with a kick to the head, and electrocuted him with a flashlight-taser @News5AKSYON @onenewsph pic.twitter.com/gycn6hWxKU
— Pat Mangune TV5 (@PatMangune) September 26, 2019
Inilahad din ng police investigation na nawala diumano ni Dormitorio ang combat boots ni Sanupao, at maaaring nagbunsod din ito ng parusa sa aspiring solidier.
Kahapon, sinabi na ng panibagong commandant of cadets ng PMA na magdedeklara sila ng gera kontra hazing kasunod ng nangyari kay Dormitorio.
"Nagdedeklara ako ng war on hazing. At inaasahan ko ang lahat ng nasa ilalim ko, lalo na ang Cadet Corps, na sumunod," ayon kay Brig. gen. Romeo Brawner Jr.
"Kung hindi kayo maglulunsad ng gera laban sa hazing, umalis na kayo. Walang lugar ang organisasyon para sa inyo." — may mga ulat mula sa News5
- Latest