Cool Smashers matikas pa rin
MANILA, Philippines — Madaling dinispatsa ng nagdedepensang Creamline ang Capital1 Solar Energy, 25-19, 25-19, 25-18, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Dumiretso ang Cool Smashers sa kanilang pang-limang sunod na panalo kasabay ng paghuhulog sa Solar Spikers sa 1-5 marka.
Nagkadena si Jema Galanza ng 12 points at 10 excellent digs at may 10 markers si Tots Carlos para sa Creamline na nakahugot kay Kyle Negrito ng 14 excellents sets.
“Definitely, it’s a huge confidence booster for all of us kasi knowing na everyone will deliver every single game, every situation na ibinibigay sa amin,” ani Alyssa Valdez na nag-ambag ng pitong puntos.
Pinamunuan ng bagong saltang si Trisha Genesis ang Capital1 sa kanyang 10 points.
Sa first set pa lamang ay ipinaramdam na ng Cool Smashers ang kanilang pagdomina sa Solar Spikers matapos kunin ang 25-19 panalo patungo sa pagtatala ng 2-0 bentahe sa laro.
Matapos makalapit ang Capital1 sa 19-23 sa third set ay umiskor ng magkasunod na puntos sina Galanza at Michele Gumabao para selyuhan ang straight sets win ng Creamline.
Sa unang laro, bumalik sa kanilang winning form ang Cignal HD matapos walisin ang Galeries Tower, 25-17, 25-20, 25-19.
Nagsumite si Vanie Gandler ng 17 points mula sa 13 hits, tatlong service ace at isang block para sa 5-1 kartada ng HD Spikers na nakabangon sa naunang pagkatalo sa Petro Gazz Angels.
Ito ang unang laro ng tropa ni coach Shaq delos Santos na wala ang mga kumalas na sina outside hitter Ces Molina at middle blocker Riri Meneses.
- Latest