Hiyasmin (136)
Nahihiwagaan si Dax sa mga ikinilos ni Hiyasmin kanina. Ngayon lang naging palatanong si Hiyasmin mula nang tumira rito. Siguro nga’y nagtataka ito kung bakit wala pa siyang girlfriend e medyo nagkakaedad na.
Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa at kinalimutan ang mga tinanong sa kanya ni Hiyasmin.
Pero lingid kay Dax, lihim din naman na nag-iisip si Hiyasmin sa kuwarto nito. Sinisi ang sarili kung bakit masyadong naging palatanong kay Dax. Bakit ba hindi niya nakontrol ang sarili kanina at pati ang kawalan ng siyota ni Dax ay naitanong niya. Sumobra naman yata ang pagtatanong niya —masyadong private na yata ang ginawa niya. Baka isipin tuloy ni Dax na masyado na siyang “at home” at hindi na nangingilag.
Pero ang isang natiyak ni Hiyasmin, hindi nakarating kay Dax ang mga sinabi niya kay Nanay Julia. Nangako si Nanay Julia na hindi sasabihin ang mga sinabi niya na may kaugnayan kay Dax. Talagang napakabait ni Nanay Julia.
At muli niyang inalala ang mga sinabi ni Nanay Julia na gusto siyang maging manugang nito. Napangiti nang napakatamis si Hiyasmin.
Sinimulan na ni Hiyasmin ang pag-aaplay ng trabaho sa advertising companies. Marami siyang kompanya na pinadalhan ng aplikasyon.
Makalipas lang ang isang buwan, natanggap na siya.
Tuwang-tuwa na ibinalita niya iyon kay Dax. Natuwa si Dax. (Itutuloy)
- Latest