Nagkakasakit na evacuees, sumisirit — DOH
MANILA, Philippines — Tumataas ang bilang ng mga kaso ng acute respiratory infections sa mga evacuation center matapos ang pananalanta ng Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Martes.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na minomonitor ng mga medical team ang maraming taong inuubo at sinisipon na pinangangambahang lalo pang tataas ang bilang dahil sa siksikan.
Karamihan aniya, ay mga bata ang tinamaan ng ubo at sipon kaya hinihikayat ang mga evacuees na magsuot ng face mask para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Bukod pa rito, binabantayan din ang mga kaso ng pagtatae o diarrhea sa mga evacuation center kaya namahagi sila ng water purification tablets.
Kabilang din ang leptospirosis sa inaasahan ng DOH na tataas ang bilang sa susunod na dalawang linggo dahil sa matinding mga pagbaha na idinulot ng bagyo.
Panawagan ni Herbosa sa mga taong lumusong sa baha na magpakonsulta sa health centers o sa mga doktor sa evacuation centers na titingin kung kailangan silang painumin ng Doxycycline. Hindi aniya, dapat ipagwalang-bahala ang leptospirosis dahil maaring mauwi ito sa kamatayan.
- Latest