Quezon binulsa ang bonus sa semis sa MPVA volley
LUCENA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng league leader Quezon ang unang ‘twice-to-beat’ semifinal bonus matapos gibain ang Rizal St. Gerrard Charity Foundation, 25-21, 25-20, 25-23, sa second round ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) Season 1 noong Linggo dito sa Quezon Convention Center.
Humataw si Cristy Ondangan, ng 13 points mula sa siyam na hits at apat na blocks para sa 12-1 record ng Tangerines sa two-round, nine-team MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nag-ambag si Mary Grace Borromeo ng 12 markers at may tig-11 points sina Rhea Mae Densing at Francis Mycah Go para sa Quezon na tinalo ang AM Caloocan Air Force, 23-25, 25-14, 25-21, 25-12, noong Sabado.
Pinamunuan ni Johna Denise Dolorito ang Rizal (10-4) sa kanyang 12 points sa MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
Nauna nang pinatumba ng Quezon ang Rizal via four-set win sa first round para maging top title contender sa kanilang unang season bilang isang expansion squad.
Samantala, tinakasan ng Biñan Tatak Gel ang sibak nang WCC Marikina, 25-15, 25-17, 25-12, para palakasin ang tsansa sa isang semifinal berth.
Pumalo sina Shane Carmona at Chreizel Aguilar ng tig-11 points para pamunuan ang Volley Angels (7-5).
Ang panalo ng Biñan ang naglapit sa kanila sa Caloocan (5-6) sa karera sa semifinal spot sa MPVA na inorganisa ng Volleyball Masters of the Philippines.
Bagsak ang Marikina sa 0-13.
- Latest