Mikey Williams pasok sa SGA
MANILA, Philippines — Muling hinugot ng Strong Group Athletics (SGA) si two-time PBA Finals Most Valuable Player (MVP) Mikey Williams upang palakasin ang lineup nito sa 34th Dubai International Basketball Championship.
Dumating na sa bansa si Williams na galing sa Los Angeles, California para makasama ang mga katropa nito sa SGA sa paghahanda para sa Dubai meet.
Excited na si SGA head coach Charles Tiu na muling makasama si Williams sa kampanya ng kanilang tropa.
“I’m excited to be working with him again. I was quite close to him before. We won two championships together, and hopefully, we can win another one,” ani Tiu.
Nagkasama na sina Tiu at Williams noon sa Mighty Sports kung saan nagkampeon ito sa 2019 William Jones Cup at sa 31st Dubai International Basketball Championship.
Nauna nang idinagdag ng SGA sa lineup nito sina dating NBA veteran Malachi Richardson at Terry Larrier para palakasin pa lalo ang lineup nito.
Naglaro si Richardson sa loob ng tatlong seasons sa NBA — para sa Charlotte Hornets, Sacramento Kings at Toronto Raptors.
Sa kabilang banda, naglaro si Larrier sa mga liga sa Sweden, Poland, Lebanon at Romania.
Pakay ng SGA na masungkit ang korona matapos magkasya sa runner-up trophy noong nakaraang taon kung saan naging import ng team si Dwight Howard.
- Latest