Hiyasmin (246)
TINUPAD ni Mama Lira ang pinangako kay Hiyasmin na ipakikita rito ang naitagong litrato ng amang Kuwaiti.
Dinalaw nina Hiyasmin at Dax si Mama Lira sa bahay nito. Hindi makapaniwala si Hiyasmin nang iabot ng kanyang mama ang isang lumang litrato.
“Siya ang ama mo Hiyasmin,’’ sabi ni Mama Lira.
Nang pagmasdan ni Hiyasmin ang litrato ng ama, nakita niya ang sarili rito. Kahawig niya ito. Maganda ang mga mata at matangos ang ilong. Napakaguwapo sa tradisyunal na suot ng mga Kuwaiti!
“Parang pinagbiyak kayo, Hiyasmin,” sabi ni Dax. “Hindi maikakaila na siya nga ang father mo.”
“Napakaamo ng mukha niya, Dax. Sabi nila, masama raw ang ugali ng mga Kuwaiti—pero parang hindi naman. Parang napakabait niya.’’
“Iba-iba rin kasi ang ugali ng Kuwaiti—may mabait at may salbahe.”
“Pero sa tingin ko kakaiba ang father ko, Dax—mukhang napakabait niya.’’
“Oo nga, Hiyasmin—yan din ang tingin ko sa kanya.”
“Sana makita ko siya nang personal,” sabi ni Hiyasmin.
Hindi nagsalita si Dax. Parang imposible ang kahilingan ni Hiyasmin.
“Imposible ba ang wish ko Dax?”
Tumango si Dax.
“Bakit Dax? May imposible pa ba ngayon?’’
“Wala nang imposible ngayon—lahat puwedeng mangyari pero sa hiling mo, parang mahirap. Hindi ka kasi niya kinilala nung pinagbubuntis ka. Ngayon pa kaya? Kung ako sa’yo, huwag mo nang asahan na makikita. Mas masakit ang mabigo, Hiyasmin.”
Biglang lumungkot ang mukha ni Hiyasmin.
Itutuloy
- Latest