Hiyasmin (245)
“’MA, me itatanong lang ako,’’ sabi ni Hiyasmin nang makalapit kina Mama Lira at Nanay Julia. “Naulinigan ko kasi na pinag-uusapan n’yo kanina ang ama kong Kuwaiti kaya biglang may pumasok sa utak ko.”
“Ano yun, Hiyasmin?”
“Meron ka bang picture ng aking ama? May naitago ka ba?”
Biglang nag-isip si Mama Lira. Hindi niya inaasahan na itatanong iyon ni Hiyasmin. Pagkaraan ng 24 na taon ay ngayon lang naitanong ang tungkol dun. Sabagay, paano ba maitatanong ni Hiyasmin ang tungkol dun gayung nagkahiwalay nga sila dahil sa kagagawan ng “demonyo” na naka-live-in niya. Apat na taon din silang nagkalayo ni Hiyasmin.
“Meron kang picture ng aking ama, Mama?’’ tanong muli ni Hiyasmin.
Tumango si Mama Lira.
Napamaang si Hiyasmin. Meron itong naitagong picture ng kanyang ama?
“Totoo ba ‘Ma?’’
Tumango muli si Mama Lira.
Muling natigilan si Hiyasmin.
Maski si Nanay Julia ay natigilan at nagpalipat-lipat ng tingin kay Mama Lira at Hiyasmin. Panibagong kuwento na naman ang mabubuo. Kung may naitagong picture si Mama Lira, ibig sabihin, talagang malalim ang naging pag-iibigan nila ni Rashid.
“Nasaan ang picture niya Ma?’’tanong ni Hiyasmin.
“Nasa bahay—kasama ng mga importanteng papeles ko. Hindi ko lang alam kung kumupas ang retrato. Matagal na kasi sa lalagyan. Itinago kung mabuti para hindi makita ng ‘demonyong’ nagpahirap sa akin.”
Nag-isip at natigilan si Hiyasmin.
Pero may nadarama siyang kasiyahan at pananabik—makikita rin niya ang ama!
Itutuloy
- Latest