“NAGKAROON na ako ng aral sa mga nangyari sa aking buhay, Mareng Julia. Hindi na mangyayari ang mga iyon na itinuring ko nang madilim na bahagi ng aking buhay,’’ sabi ni Mama Lira.
Parang maiiyak naman si Nanay Julia sa mga sinabi ni Mama Lira. Natatangay siya sa mga sinabi ni Mama Lira.
“Kailangan ko pa palang masaktan nang todo bago magkaroon ng aral. Kailangan pa palang matikman ko ang kalupitan ng demonyo bago mapagtanto ang lahat. Ngayon ay bagong buhay na talaga ako. At nagpapasalamat ako na hindi pa pala huli ang lahat para magbago. Lubos akong naunawaan ni Hiyasmin—yun ang pinakamasaya kong naramdaman. Nagpapasalamat din ako nang wagas kay Dax. Kung hindi sa kanya, baka hinid narating ni Hiyasmin ang pangarap. Salamat sa iyong anak, Mareng Julia. Hindi ko malilimutan ang ginawa niya kay Hiyasmin.’’
“Alam mo Mareng Lira, natutuwa rin ako nang labis sapagkat sina Hiyasmin at Dax ang magkakatuluyan. Alam mo bang gumawa ako ng paraan para silang dalawa ang magkatuluyan. At natatawa ako sapagkat hindi ko na pala kailangang gawin iyon dahil talaga palang nagmamahalan sila. Hindi ko na pala kailangang makiusap kay Hiyasmin para ibigin si Dax.”
Itutuloy