Hiyasmin (179)

“Aalis na ako Hiyasmin, salamat at pinagtiyagaan mo akong hintayin,’’ sabi ni Dax at binuksan ang pinto.

Lalabas na si Dax nang tawagin ni Hiyasmin.

“Sir Dax!’’

Napalingon si Dax.

“Bakit Hiyasmin?”

“A e kuwan, mabuti at nalaman ko ang matagal mo nang iniingatan diyan sa puso mo. Sige na Sir Dax’’

Lumabas na si Dax.

Inilapat ni Hiyasmin ang pinto.

Nagbalik siya sa kama at nahiga. Kahit mag-aala-una na ng madaling araw ay nagtataka siya sa sarili na hindi inaantok.

Bakit kaya?

Dahil siguro masaya siya at nalaman na mahal din siya ni Dax. Sabi na nga ba at may ­pagtingin din sa kanya si Dax. Pareho sila ng nararamdaman.

Hindi naman niya pahihirapan nang todo si Dax. Baka sa susunod na linggo ay sagutin na niya ito.

Hindi na niya pagtatagalin pa ang paghihintay ni Dax.

KINABUKASAN, habang nagluluto si Hiyasmin, nilapitan siya ni Nanay Julia.

Binulungan siya.

“Anong nangyari sa inyo ni Dax, Hiyasmin?’’

“Nagtapat na po.’’

“Salamat naman.’’

“Pero hindi ko pa po sinasagot, Nanay. Gusto ko po paghirapan niya ang pagkuha sa ‘oo’.’’

“Bahala ka Hiyasmin. Salamat at magiging manugang din kita.”

(Itutuloy)

Show comments