“Nangako ka sa akin, Sir Dax na sasabihin ang mga hindi mo nasabi kagabi. Naghihintay ako,’’ sabi ni Hiyasmin na seryoso ang boses at nakatingin nang deretso kay Dax.
Hindi naman makatingin si Dax kay Hiyasmin. Umaatake na naman yata ang pagkatorpe. Walang maibuka ang bibig.
“Ano? Sabihin mo na, Sir Dax.’’
Pero bago makapagsalita uli si Dax ay nakita nila na papalapit na ang isang waiter na dala ang mga inorder nilang pagkain.
Ibinaba sa harapan nila ang pritong tilapia, atsarang ubod, ginataang langka, pritong yellow fin tuna, tinolang manok, dalawang cups ng kanin at dalawang basong buko juice.
“Kumain na muna tayo, Hiyasmin, kumakalam na ang sikmura ko.’’
“Kailan mo ba talaga sasabihin?’’
“Mamayang gabi. Puntahan uli kita sa room mo.’’
“Anong oras?’’
“Basta kakatok na lang ako.’’
“Bakit kasi ayaw mo pang sabihin ngayon?’’
“Mamaya na lang gabi. Ang asikasuhin na lang natin ngayon ay ang pagkain.’’
Umirap si Hiyasmin.
“Sige na,’’ sabi ni Dax at iniabot kay Hiyasmin ang tasa ng kanin. Inabot ni Hiyasmin.
“Baka wala ka na namang sabihin kapag nagpunta ka sa room ko.’’
“Meron.’’
“Hindi na talaga kita kakausapin.’’
“Kain na tayo.’’
Kumain sila.
(Itutuloy)