Hiyasmin (165)
Tinatanong ni Hiyasmin ang sarili kung tama ang ginawang pag-amin kay Nanay Julia na may lihim siyang pagmamahal kay Dax. Pero noon pa mang unang mag-usap sila ni Nanay Julia, talagang inamin na niya rito. Ano pa ba ang ikinatatakot niya. E sa iyon ang nararamdaman niya. Isa pang nakapagpalakas ng loob niya para sabihin iyon kay Nanay Julia ay dahil napaka-closed niya sa matanda. Napakabait sa kanya. Parang mas mahal pa siya nito kaysa kay Dax.
Kaya, tama nga lang siguro na sabihin niya kay Nanay Julia ang totoong nilalaman ng kanyang puso. Ayaw na niyang magkunwari. Magiging unfair siya sa matanda kung hindi magsasabi nang totoo.
Tutal naman at nangako si Nanay Julia na hindi sasabihin kay Dax ang ipinagtapat niya. Ang magandang sinabi ni Nanay Julia sa kanya, nararamdaman daw ng matanda na may pagtingin din sa kanya si Dax. The feeling is mutual. At naniniwala si Hiyasmin sa kutob ni Nanay Julia. Hindi nga lang daw makapagtapat si Dax dahil may pagka-torpe ito.
Maaring tama nga si Nanay Julia dahil marami nang pagkakataon na nagpapahiwatig si Dax sa kanya—hindi lang nito maderetsa dahil mahiyain. Hindi kayang magtapat. May pagka-torpe nga.
Napangiti si Hiyasmin pagkatapos. May mga lalaki pa palang dungo at hindi makapaghayag sa babae ng niloloob.
Nasa ganoong pagmumuni-muni si Hiyasmin nang may kumatok sa pinto.
Bumangon siya para tingnan kung sino ang kumakatok.
(Itutuloy)
- Latest