“Boyfriend ko siya,’’ sagot ni Hiyasmin kay Rez. Iyon ang pinakamabilis na naisip niya para tumigil na sa pagtatanong si Rez. Kung mayroon man itong balak na manligaw sa kanya, tiyak na aatras kapag nalamang may siyota na siya.
Saglit na napamaang si Rez pero pagkaraan ay nagtanong pa rin at parang hindi naniniwala.
“’Kala ko Kuya mo!’’
“Siyota ko ‘yun. Sinundo ako ng gabing iyon at saka kami kumain.’’
“Parang mas matanda yata sa’yo ang boyfriend mo.’’
“Ano namang masama kung mas matanda ang boyfriend?’’
“Wala naman.”
“Type ko kasi ang mas matanda. Mas responsible ang mas matanda kaysa mga kasing age ko. Isa pa maunawain at mapagbigay.”
Napatango si Rez. Maya-maya may tinanong pa ito na tila ikinaiinis na ni Hiyasmin. Pero pinilit niyang maging mahinahon.
“Kung magsiyota kayo, bakit hindi kayo magkatabi sa upuan? Bakit magkaharapan kayo?’’
“A dahil masikip sa puwesto namin. Nakaharang ang upuan kaya magkaharap na lang kami.’’
Napatango uli si Rez.
Tumigil na ito sa pagtatanong nang dumating na sila sa classroom.
Naiinis si Hiyasmin kay Rez.
Siguro nga ay may kursunada ito sa kanya.
Mabuti at sinabi niyang may siyota na siya. Kung hindi ay baka kulitin siya nito!
(Itutuloy)