Hiyasmin (51)
Kinuha ni Hiyasmin sa kuwarto ni Dax ang gamot para sa lagnat. Nakalagay iyon sa maliit na plastic box kasama ang iba pang gamot.
Lumabas siya sa kuwarto at kumuha ng tubig sa ref. Dinala kay Dax na nananatiling nakahiga sa sopa. Gising si Dax.
“Inumin mo itong gamot Sir Dax,’’ sabay abot sa tabletang paracetamol.
Bumangon si Dax. Kinuha ang gamot at ang baso ng tubig kay Hiyasmin. Ininom ang gamot. Ibinalik ang baso kay Hiyasmin.
“Every four hours ang inom ng gamot sa lagnat, Sir Dax. Mamaya alas diyes, painumin uli kita.’’
“Mawawala na ito, Hiyasmin. Sana pumasok ka. Nagkaroon ka tuloy ng absent.’’
“Okey lang po. Ano nga po palang iluluto ko? Bagay sa nilalagnat e mainit na sabaw.’’
“Bahala ka na, Hiyasmin.’’
“Ah tinolang manok. Tamang-tama may papaya at talbos ng sili sa ref.’’
“Sige. Masarap nga yun.’’
Umalis si Hiyasmin at nagtungo sa kusina. Pero makaraan ang ilang minuto ay binalikan si Dax.
“Okey ka lang diyan sa sopa, Sir Dax? Ba’t di ka sa kuwarto mo?’’
“Okey lang ako rito, Hiyasmin.”
“Unan at kumot, bigyan po kita?’’
“Sige.’’
Kumuha ng kumot at unan si Hiyasmin at ibinigay kay Dax.
“Salamat, Hiyasmin. Sige ipagpatuloy mo na ang ginagawa mo.’’
“Okey ka na po?’’
Tumango si Dax.
Nagtungo sa kusina si Hiyasmin at ipinagpatuloy ang pagluluto. (Itutuloy)
- Latest