2 barko na sangkot sa ‘paihi’ ng unmarked fuel, kinumpiska ng BOC
MANILA, Philippines — Dalawang fuel tankers ang kinumpiska ng Customs Intelligence and Investigation Services-Manila International Container Port (CIIS-MICP) bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa ‘paihi’ o ilegal na paglilipat ng langis sa Navotas Fish Port ang nasa kostudiya ng Bureau of Customs (BOC).
Ang naturang operasyon na isinagawa kamakalawa ay nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng P20,350,000 halaga ng unmarked fuel, o highly dutiable petroleum products, na walang proper fuel markings, indikasyong hindi ito nagbayad ng kinakailangang taxes and duties sa pamahalaan. Kaugnay nito, binalaan ni BOC Commissioner Bien Rubio ang mga indibidwal o organisasyon na patuloy na nagsasagawa ng ilegal na operasyon at nananatiling sangkot sa paihi scheme.
Inihayag naman ni BOC-CIIS Director Verne Enciso kung paano nakatulong ang derogatory information na natanggap nila sa pagkakumpiska sa fuel tankers na may lamang 370,000 litro ng unmarked fuel. Nabatid na ang MT Tritrust ay may lulang 330,000 litro habang ang MT Mega Ensoleilee naman ay may 40,000 litro sa tangke nito.
Nang dumating ang grupo sa lugar, nasaksihan umano mismo ng BOC agents ang nagaganap na illicit shipside fuel transfer.
Bilang karagdagan sa P20.35 milyong halaga ng unmarked fuel, ipinalagay ng grupo na ang halaga ng dalawang tanker ay nasa P245 milyon para sa MT Tritrust at P450 milyon para sa MT Mega Ensoleilee at ang total value ng fuel at dalawang barko ay nasa P715,350,000.
- Latest