Hiyasmin (34)
WALANG masabi si Dax sa kasipagan ni Hiyasmin na pati ang paglalaba sa kanyang mga damit ay inako na rin. Lalong nadagdagan ang kanyang pagtitiwala kay Hiyasmin. Karapat-dapat lang itong tulungan. Hindi nakapanghihinayang na tulungan ang ganitong tao na marunong makisama. Alam ang mga gagawin para matuwa ang pinagkakautangan ng loob. Wala siyang masasabi kay Hiyasmin—walang-wala! Pasado ito sa kanya at sobra pa.
“Parang lumalabas na kasambahay na rin kita Hiyasmin. Kasi lahat nang gawain dito ginawa mo na—pati paglalaba ng damit ko. Pagod na pagod ka na.’’
“Okey lang Sir Dax. Marami ka namang naitulong sa akin—baka nga kulang pa ang mga ginagawa ko.”
“Aba sobra-sobra Hiyasmin. Kaya bibigyan kita ng allowance para hindi ka magipit. Kawawa ka naman kung wala kang gagastusin habang nasa school.’’
“Huwag na po Sir Dax. Okey na sa akin na binayaran mo ng full ang tuition fees ko—sobra-sobra po ‘yun!’’
“Hindi. Basta bibigyan kita ng allowance. Huwag kang tatanggi at magagalit ako.’’
Napangiti si Hiyasmin.
“Dapat lang na magkaroon ka ng extra money dahil marami kang activities ngayong fourt year ka na. Alam ko ‘yan, dahil dumaan din ako sa ganyan nung nag-aaral ako. Ang kaibahan ko lang sa’yo ay talagang may nagbibigay sa akin ng allowance. E ikaw, solo ka talagang kumakayod. Kaya, humahanga ako sa’yo. Kapag nag-graduate ka ng kolehiyo, ako ang unang papalakpak sa’yo.’’
“Salamat Sir Dax. Kaya talaga pong nagsusumikap ako para hindi masayang ang pagtulong mo sa akin. Ipinangangako ko sa’yo na magtatapos ako ng nasa oras.’’
“Yan ang estudyante—may determinasyon. Sana lahat ng students ay gaya mo. Maraming studens ngayon na pinag-aaral ng magulang pero pawang bisyo ang inaatupag. Meron na nag-aasawa agad—nagpapabuntis agad—kaya ayun, walang natapos. Miserable ang buhay.’’
“Tama ka Sir Dax. May classmate akong nabuntis agad ng siyota at tumigil na sa pagpasok.’’
“Kawawa ang parents classmate mo. Umaasa na magtatapos pero hindi pala at pagpapabuntis ang tinapos.’’
“Nasa Saudi raw ang parents ng classmate ko.’’
“Kawawa naman! Nagpapakahirap sila sa malayong bansa pero ang pinag-aaral nila ay walang malasakit. Hindi na inalala ang ginagawang pagsasakripisyo.’’
“Oo nga po.’’
“Kaya talagang hanga ako sa’yo, Hiyasmin.’’
Itutuloy
- Latest