Hiyasmin (5)
Lumipas ang mga araw at walang dumarating na tao sa bahay ni Dax para kunin ang napulot niyang ID.
Buong araw ng Sabado at Linggo ay nasa bahay si Dax pero walang dumarating na tao. Walang nagta-“tao po” para magtanong kung may nakitang ID.
Naisip tuloy ni Dax na baka nadukutan ang may-ari ng ID at itinapon ang mga nadukot kabilang ang ID.
Kaya isang pasya ang naisip niya: tatawagan niya ang pabrika na gumagawa ng sitsirya at itatanong kung may empleyado roon na HIYASMIN ELCRUZ. Hindi siya titigil hangga’t hindi naisasauli ang ID ni Hiyasmin.
Kinabukasan, habang breaktime sa opisina, tinawagan niya ang pabrika sa number na nakasaad sa ID.
Babae ang nakasagot sa kanya.
“Good morning, magtatanong lang kung may employee kayo na ang name ay Hiyasmin Elcruz?’’
“Hindi na po pumapasok yan, Sir. End of contract na po siya. Bakit po ba Sir?’’
“Kasi ang company ID niya napulot ko, one week na sa akin.”
“Ganun po ba?’’
“May address po ba siya sa inyo Mam?’’
“Meron po pero hindi puwedeng ibigay—company policy po.’’
“Paano ko kaya maibibigay ang ID sa kanya?
“Itago mo na lang Sir at baka biglang kunin sa iyo.’’
“A sige, ganun na lang. Thanks, Mam.’’
Hinintay na nga lang ni Dax na may maghanap sa ID. Hindi na niya ito binigyan ng pansin.
(Itutuloy)
- Latest