Suklam (145)
“Pinagtagpo ba tayo ng tadhana, Leah?’’ tanong ni Brent makaraang ikuwento kay Leah ang nangyari sa buhay nila.
“Posible Brent. Iisa ang naranasan natin. Magkaparehung-magkapareho!’’
“Pareho tayong nakadama ng pagkasuklam sa taong nagkasala.’’
“Oo Brent. Grabeng pagkasuklam. Hanggang ngayon, may nadarama pa akong suklam.”
Napatango si Brent.
“Alam mo Brent, mula nang magtaksil si Papa at nasaktan nang labis si Mama, nagkaroon ako ng takot na makipagrelasyon. Hindi ako nag-boyfriend dahil ang naiisip ko, lahat nang lalaki ay katulad ni Papa. Matindi ang epekto sa akin. Ikaw, naranasan mo ba ‘yun—na nagkaroon ka rin ng takot na makipagrelasyon dahil sa ginawa ng mama mo.”
“Oo. Pero naisip ko, hindi naman lahat siguro ng babae ay katulad ng nanay ko—marami pa ring matino at mapagmahal.’’
Nag-isip si Leah.
Matagal namang nakatitig si Brent sa dalaga.
Makaraan ang ilang sandali, nagtanong si Brent.
“Hanggang ngayon, may takot ka pa rin na makipagrelasyon, Leah. Nasa isip mo pa rin ba ang takot dahil sa ginawa ng papa mo?’’
Hindi makasagot si Leah. Nanatiling nakatitig kay Brent.
(Itutuloy)
- Latest