Suklam (56)
“Kinabukasan, kinausap siya ng kanyang nanay. Nandidilat ang mga mata nito.
“Huwag kang magsusumbong sa tatay mo! Tatamaan ka sa akin. Kapag may nalaman siya, ikaw ang nagsumbong. Maliwanag?’’ sabi ng nanay niya na nandidilat pa rin ang mga mata. Takot na takot siyang tumango.
“Sumagot ka. Mangako kang hindi magsusumbong!’’ sabi pa ng kanyang nanay. “Opo!’’sagot niya sabay iyak. “Huwag kang umiyak! Sasampalin kita diyan!’’ banta ng nanay niya. Tumigil siya sa pag-iyak. Umalis ang kanyang nanay.
“Nakita pala ng bunsong kapatid na pinagagalitan siya ng kanilang nanay kaya tinanong siya nito kung ano ang dahilan. Hindi siya nagsalita. Naalala niya ang banta ng kanyang nanay na huwag magsasalita tungkol sa nakita.
“Nang dumating ang kanyang tatay mula sa dalawang linggong pagbibiyahe sa Bicol, lalo na siyang kinabahan at hindi mapakali. Wala siyang imik. Wala rin siyang sigla at bahagya nang tinikman ang pasalubong na sweet pili nut ng kanyang tatay.
“Nagtaka ang kanyang tatay sa ikinikilos niya. Tinanong siya nito kung ano ang problema at bakit tahimik na tahimik. Pero wala siyang sinabi. Tikom ang kanyang bibig. Habang kinakausap siya ng kanyang tatay, nakatingin naman sa kanya ang nanay niya. Sa tingin nito sa kanya ay maliwanag ang sinasabi na huwag magsusumbong. Nandidilat ang mga mata nito.
“Nang aalis na ang kanyang tatay para bumalik sa trabaho bilang bus driver ay napaiyak siya. Nagtaka ang kanyang tatay sa pag-iyak niya. Tinanong siya kung bakit umiyak pero hindi siya nagsalita. Nakatingin naman ang kanyang nanay sa kanya—nagbababala ang mga mata. Tinapik-tapik siya ng kanyang tatay sa balikat at saka nagpaalam na sa kanila. Hinabol niya ng tingin ang kanyang tatay. Awang-awa siya sa kanyang tatay. Tiyak, mamayang gabi ay may ibang lalaki na naman sa kuwarto na kapiling ang kanyang ina.
“Nagulat siya nang hampasin siya sa likod ng kanyang nanay. Pinapapasok na sila sa loob ng bahay. Pumasok silang magkapatid. Hindi niya malaman ang gagawin ngayong umalis na naman ang kanyang tatay.
“Kinabukasan, kinausap muli siya ng kanyang nanay at binalaan na huwag magsusumbong sa mga nakikita. Kapag nalaman daw ito ng kanyang tatay ay masama ang mangyayari.
“Tama ang kanyang hula na pagkaalis ng kanyang tatay ay darating naman ang lalaki. Hanggang sa makilala niya kung sino ang lalaki. Nakita na niya ito minsang bumili siya sa tindahan sa kanto. Tambay ang lalaki. Malaki ang kabataan nito kaysa kanyang ina. Hanggang may matuklasan pa siya. Kinukuwartahan ng lalaki ang kanyang ina! (Itutuloy)
- Latest