Dioscora (315)
(Ang babaing hindi niya malilimutan)
“Kasi masyado kang nakatutok sa trabaho, Kuya kaya hindi mo na naiisip mag-asawa. Tapos mayroon ka pang inaasikasong foundation. Dapat bigyan mo rin ng panahon ang sarili. Gusto kong makita na may pamilya ka,” sabi ni Maria na punumpuno ng pagmamalasakit sa kapatid.
“Hayaan mo makakakita rin ako ng magiging partner habambuhay. Bigla na lamang dumating ‘yan. Maniwala ka sa akin, Maria.’’
“Paano darating, e ‘yang paghanap ng partner sa buhay ay hinahanap.”
“Basta, darating ‘yan.’’
“Palagay ko naman ay maraming magkakandarapa sa’yong tsik dahil bukod sa matalino ka ay guwapo—at ang pinakamabigat—CEO ng Number 1 company sa bansa. Ang babaing mapipili mo ay napakasuwerte at talo pa ang nanalo sa lotto.’’
Humagalpak ng tawa si JC.
“Parang sanay kang tumaya sa lotto, ha-ha-ha!’’
“Hindi ako nagbibiro Kuya, masuwerte ang babaing magiging partner mo.’’
“Sige naniniwala na ako.’’
ISANG araw nagpahatid si JC kay Mulo sa Recto Avenue. Buhat nang maging CEO ng kompanya, hindi na siya nakakain sa dating restaurant na malapit sa unibersidad na pinag-aralan. Dun siya laging kumakain.
Malaki na ang pinagbago ng restaurant. Umorder siya nang paboritong pansit bihon, lumpiang shanghai at isang cup ng kanin.
Nagsisimula siyang kumain nang may tumawag sa kanya.
“JC!”
(Itutuloy)
- Latest