Dioscora (301)
(Ang babaing hindi niya malilimutan)
Lumarawan sa mukha ni Shappira ang pagkabigla makaraang sabihin ni JC na patay na ang ina nitong si Dioscora.
Pagkatapos ay nakita ni JC ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Shappira. Tahimik lang ito pero naramdaman ni JC ang lungkot na nasa puso dahil sa pagkaalam na patay na ang ina.
“Kilala ko ang mommy mo Shappira. Hindi ko siya malilimutan dahil siya ang dahilan kung bakit ako nakarating sa aking kinaroroonan.’’
“Anong ibig mong sabihin, JC?’’ garalgal ang boses ni Shappira.
“Siya ang nagpaaral sa akin at sa aking kapatid sa kolehiyo. Napakabuti niya—walang kasingbuti. Tinulungan niya kami at hindi iniwan.”
Lalong umagos ang luha ni Shappira sa mga nalaman. Pero may bakas na ng pag-asa sa mukha nito na nakita si JC.
“Mahal na mahal ka ng mommy mo, Shappira. Ipinaglaban ka niya pero hindi siya nagtagumpay.’’ Napatitig si Shappira kay JC. Nahiwagaan sa narinig kay JC.
“Anong pinaglaban?”
“Mahabang istorya pero malalaman mo rin sa mga susunod na araw.’’
“Alam mo kung nasaan nakalibing si Mommy?’’
“Oo.’’
“Gusto kong makita ang libingan niya.’’
“Bukas, sasamahan kita Shappira.’’
“Salamat JC.’’ (Itutuloy)
- Latest