Dioscora (300)
(Ang babaing hindi niya malilimutan)
“Bakit ngayon mo lang naisipang magtanong o mag-usisa sa iyong ina, Shappira?’’ tanong ni JC. Nasa salas sila. Tapos na silang kumain.
“Gaya nang sinabi ko sa iyo, umiiwas si Lolo na pag-usapan ang tungkol dun. Nagagalit siya. At ayaw ko namang magalit si Lolo dahil mahal ko rin siya. Kahit pa alam kong may inililihim siya sa akin, nagsasawalang kibo na lang ako. Ngayong patay na siya, gusto ko namang malaman ang tungkol sa aking ina. Nasasabik akong may malaman sa aking ina na nagngangalang Dioscora. Mula pa pagkabata, hindi ko alam kung ano ang hitsura ng aking ina. Wala akong makitang picture niya. Kung saan-saan na ako nag-research pero walang makapagsabi. Ngayong wala nang magbabawal sa akin, wala nang makapipigil pa para hanapin ko ang aking inang si Dioscora—at ikaw lamang sa palagay ko ang makatutulong sa akin JC.’’
Napatitig si JC kay Shappira. Talagang kamukhang-kamukha ni Mam Dioscora si Shappira. Hindi maipagkakaila na anak nga siya ng babaing nagkaroon nang malaking bahagi sa kanyang buhay. Si Shappira ang buhay na alaala ni Mam Dioscora.
“Paano mo naman nasiguro na may nalalaman ako tungkol sa iyong ina, Shappira?’’
“Gaya nang nasabi ko sa’yo kanina, ikinukuwento kang madalas sa akin ni Lolo at naisip ko, sa laki ng tiwala sa iyo ng aking lolo tiyak na may binanggit siya sa iyo ukol sa aking ina. Alam ko ang ugali ni Lolo na kapag nagtiwala sa isang tao, lahat ay sasabihin niya rito—ipagtatapat lahat ang mga lihim at iba pa. Ganyan si Lolo.’’
“Alam mo ba kung anong age ka nawalay sa iyong ina?’’
“Hindi ko alam. Walang sinabi si Lolo. Basta nakamulatan ko, nasa U.S. na ako.’’
“Wala kang nalaman kung bakit naroon ka at wala ang iyong ina?’’
“Wala.’’
Napabuntunghininga si JC.
“Bakit JC? Anong nalalaman mo? Nasan ang aking ina?’’
“Patay na siya!’’
(Itutuloy)
- Latest