Kaibigan (224)
“Ano pang hihilingin ko Dex?’’ tanong ni Lara sa asawa. Hawak ni Dex ang palad ni Lara.
“Hilingin mo na magkita kayo ng mga kapatid mo—magkapatawaran na kayo. Kapag nangyari ‘yun, talagang wala ka nang mahihiling pa Lara.’’
Napatitig si Lara kay Dex.
Maya-maya pa, may dalawang butil ng luha na nag-unahan sa pisngi ni Lara. At pagkatapos ay napasubsob ito sa dibdib ni Dex. Umiyak. Pinayapa ni Dex ang asawa. Hinimas ang likod.
“Ikaw na ang unang magpakita ng pagpapakumbaba. Ipakita mo sa iyong mga kapatid na nami-miss mo sila.’’
“Paano kung galit pa sila sa akin? Paano kung hindi pa nila ako kayang patawarin?’’
“Baka naman ikaw lang ang nag-iisip niyan? Baka naghihintay lang sila sa move mo. Baka noon pa e hinihintay ka na nila? Malay mo, gusto na rin nilang makipagbati sa iyo?’’
“Natatakot ako Dex.’’
“Ba’t ka matatakot?’’
“Kasi nga baka isnabin nila ako. Baka hindi ako pansinin.’’
“Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?’’
Natahimik si Lara.
“Hanapin mo sa FB ang name nila at mag-message ka. Tutulungan kita. Malakas ang kutob ko na hinihintay lang nila ang pagkilos mo.’’
“Hindi kaya nila ako isnabin?’’
“Hindi! Baka matuwa pa nga sila dahil nakipag-communicate ka sa kanila.’’
“Sige, tulungan mo akong makontak sila, Dex.’’
“’Yan ang gusto kong marinig sa iyo.’’
“Gusto ko nang maging payapa ang lahat.’’
“Matutupad ‘yan. Kapag maayos na ang lahat, anyayahan mo sila rito sa resort at dito tayo maghahanda.’’
Kumislap ang mga mata ni Lara.
(Itutuloy)
- Latest