Kaibigan (203)
“Talaga Dex? Magpapakasal tayo agad-agad?’’ tanong ni Lara na hindi makapaniwala.
“Oo. Kapag sinabi ko, ginagawa ko. Magpapakasal agad tayo pagdating sa Pinas.’’
“Pinaligaya mo ako Dex.’’
“Mas lalo kang liligaya kapag nakasuot ka na ng trahe de boda at ako ay naka-amerikana. Nakaharap tayo sa pari habang tinatanong tayo kung tinatanggap natin ang isa’t isa.’’
“Dex, gusto ko nang mangyari ang mga sinasabi mo. Gusto ko nang makasal tayo. Parang hindi na ako makapaghihintay.’’
“Ako rin Lara. Gusto ko nang dumating ang araw na yun—ang araw ng ating kasal.’’
NATUPAD ang balak nina Dex at Lara, pagdating nila sa Pilipinas, nagpakasal agad sila. Sa isang simbahan sa Sampaloc, Maynila sila nagpakasal. Ang simbahan na iyon ang napili ni Dex dahil dun siya madalas magsimba nung estudyante pa siya. Naipangako niya nun na kung siya ay magpapasal dun gagawin.
Habang nasa harap sila ng pari at tinatanong kung tinatanggap ang isa’t isa, hindi sila makapaniwala pareho na ito na nga ang kanilang pinakahihintay na pag-iisang dibdib. Parang panaginip sa sobrang bilis ang mga pangyayari pero totoo na pala—magkabiyak na sila!
Sa isang five-star hotel ang kanilang reception. Marami ang bumati sa kanila. Lahat ay nag-wish nang maligayang pagsasama.
KINABUKASAN, bumiyahe sila patungong Puerto Galera. Hindi malilimutan ni Dex ang nasabing lugar sapagkat nung nabubuhay pa ang dati niyang asawang si Tess ay dun sila unang nagpunta.
“Maganda ba talaga sa Puerto Galera, Dex?’’ tanong ni Lara.
“Oo.’’
“First time kong magbi-beach.’’
“Mahahalikan din ng alon ang mga paa mo, ha-ha-ha!’’ (Itutuloy)
- Latest