Kaibigan (20)
Kung anu-ano ang naisip ni Dex nang hindi maratnan sa bahay ang mag-asawang King at Lara. Baka biglang nagpasya ang mag-asawa na umalis at umuwi ng probinsiya. Baka si Lara ang pumilit na umuwi sila sa probinsiya at subukang humingi muli ng tawad sa mga magulang.
Naisip din naman ni Dex na baka naman si Lara ang biglang umuwi at sinundan na lamang ni King. Baka ginawa ni Lara ang pag-uwi habang nasa trabaho si King. Napapansin kasi ni Dex na laging malulungkutin si Lara mula nang dumating ang mag-asawa galing sa probinsiya. Dinidibdib ni Lara ang problema sa hindi pagtanggap sa kanila ng mga magulang. Sa tingin ni Dex ay baka magkasakit si Lara dahil sa kaiisip sa problema.
Naupo sa sopa si Dex at patuloy na nag-isip kung nasaan ang mag-asawa. Kung umalis ang mga ito, sana ay tinext siya ni King. Kilala niya si King na hindi basta aalis na hindi nagpapaalam. Kilala niya ang kaibigan. Hindi ito gagawa ng isang pasya na magiging dahilan ng hindi nila pagkakaunawaan. Tunay na kaibigan si King.
Nang maisipan ni Dex na tunguhin ang kuwarto ng mag-asawa para makatiyak. Kung wala ang mga damit, tiyak na umalis nga ang mga ito. Pero nang pihitin niya ang seradura, naka-lock ito. Hindi na pinagpilitan ni Dex na buksan ang pinto.
Pinilit niyang maging positibo. Hindi totoo ang nasasaisip niyang umalis na ang mag-asawa.
Nagluto siya ng hapunan. Nang makaluto ay kumain. Pagkatapos ay nanood siya ng TV.
Hanggang mag-alas otso ng gabi. Nakarinig siya ng nagbubukas ng gate. Nang tingnan niya, sina King at Lara.
Binuksan niya ang pinto.
“Saan kayo galing?’’ tanong niya.
“Ipinasyal ko si Lara. Kumain kami sa labas,’’ sagot ni King.
Nakahinga nang maluwag si Dex. (Itutuloy)
- Latest