Huling Eba sa Paraiso (153)
Sumunod si Drew kay Marianne nang magtungo ito sa pampang ng sapa. Si Tikoy ay patuloy na nagtatanim ng mga suwi ng kawayan sa di-kalayuan.
Nagtataka si Drew kung ano ang kukunin ni Marianne sa pampang. Wala siyang ideya sa gagawin ng dalaga.
‘‘Anong kukunin mo Marianne? Damuhan na yang pampang. Baka may ahas diyan e makagat ka.’’
“Pako!’’ sagot ni Marianne.
‘‘Anong gagawin mo sa pako?’’
“Gugulayin ko. Iluluto na may kasamang kuhol—ginataan !’’
“Ah.’’
“Matagal na rin akong hindi nakakakain ng ginataang pako na may kuhol. Mula nang magtungo tayo sa Maynila ay hindi na ako nakakain nito.’’
“Masarap ba ang ginataang pako?’’
“Oo. Ikaw kasi, mayaman kaya hindi alam ang lasa ng pangmahirap na pagkain.’’
“Hindi naman ako mayaman—mayabang lang, ha-ha-ha!’’
“Ang daming pako rito at ang tataba. Bagong usbong.’’
“Tutulungan kita, Marianne.’’
“Halika rito at tuturuan kitang manalbos.’’
Lumapit si Drew.
“Ganito ang pananalbos ng pako. Kukurutin mo lang ang pinakatawan at mapuputol na. Malambot ito.’’
Sinubukan ni Drew ang isang talbos ng pako. Kinurot. Malambot nga.
“Madali lang pala.’’
“Oo madali lang manalbos.’’
Nang marami na silang natalbos, ang pagkuha naman ng kuhol sa sapa ang inatupag nila.
Lumusong sila sa sapa. Hanggang tuhod ang tubig.
‘‘Tuturuan kitang manguha ng kuhol.’’
Humakbang sila nang dahan-dahan para manguha ng kuhol.
“Ayun, damputin mo Drew.’’
Dinampot ni Drew.
“Ang laki!’’
Isa pang kuhol ang nakita ni Marianne.
‘‘Ayu pa!’’
Dinampot ni Drew.
Kumuha ng dahon ng saging si Marianne at doon inilagay ang mga kuhol na nakuha nila.
Nang mapagod sa pagkuha, naupo sila sa pampang.
‘‘Ang sarap manguha ng kuhol,’’ sabi ni Drew.
‘‘Mas masarap kapag naluto na. Matitikman mo ang luto ko mamaya.’’
(Itutuloy)
- Latest