Huling Eba sa Paraiso (9)
Muling sinulyapan ni Drew ang babaing nagtitinda sa sidewalk ng kung anu-anong gulay. Parang iyon nga ang babaing nakita niya. Malaki ang pagkakahawig kahit naka-face mask. Bukod sa babae mayroon pang ibang babaing nagtitinda sa sidewalk.
Nilapitan ni Drew si Tikoy na noon ay may kinakausap na isang lalaking nagtitinda ng mga itak at kutsilyo.
Nang makita siya ni Tikoy na papalapit ay iniwan na nito ang lalaking kausap at sinalubong siya.
“Uuwi na tayo Kuya? Nabili ko na ang mga kailangan natin para sa isang linggo. Baka mayroon ka pang gustong bilhin sa loob ng palengke?’’
“Okey na siguro ang mga ‘yan, Tikoy.’’
“Uwi na tayo?’’
“Oo. Pero mayroon lang akong napansin sa mga babaing nagtitinda sa sidewalk.’’
‘‘Anong napansin mo, Kuya?’’
“’Yung isa sa mga babae kung hindi ako nagkakamali ay yung nakita kong nananalbos ng pako sa pampang ng sapa.’’
‘‘Talaga? Alin dun Kuya?’’ at saka sinulyapan ang mga babaing nasa sidewalk.
‘‘Yung nasa unahan.’’
Pinagmasdan ni Tikoy ang sinabi ni Drew.
“Parang magkakamukha naman sila Kuya. Pero kung yan nga ang sinasabi mo na nananalbos ng pako sa pampang, hindi ko pa yan nakikita. Bago ang babaing yan dito. Madalas din akong nagtitiyangge pero ngayon ko lang nakita ang babaing yan.’’
“Baka nga nagkakamali ako, Tikoy. Baka hindi yan. At saka sa bilis tumakbo ng babaing nakita ko, parang nalimutan ko na ang hitsura ng mukha.’’
“Mukhang sa tingin ko sa babae ay hindi naman mabilis tumakbo, Kuya. Parang mahinhin sa pagkakaupo, he-he-he!’’
“Oo nga. Yung babaing nakita ko ay parang usa kung tumakbo. Sa isang iglap ay nawala sa may kawayanan sa kabilang pampang.’’
‘‘Gusto mo lapitan ko at kunwari ay bibili ako ng tinda niya? Para lang makasiguro tayo.’’
“Sige. Ano ba ang puwede mong bilhin sa babae?’’
“Kamatis, Kuya.’’
“Tingnan mo kung may tinda siyang pako at yun ang bilhin mo.’’
“Sige Kuya.’’
Lumapit si Tikoy sa babaing vendor.
Si Drew naman ay hindi mapakali sa kinatatayuan. Ang babae nga kaya ang nakita niyang nananalbos ng pako sa pampang ng sapa? (Itutuloy)
- Latest