Monay (158)
Ipinagpatuloy ni Joem ang pagbabasa ng sulat ni Cath na may kaugnayan sa naging buhay ni Monay sa US at sa ginawang pagsaklaw ng mama nito sa kanyang mga karapatan lalo ang may kaugnayan sa pag-ibig.
“Mistulang bilanggo si Monay, pagkukuwento niya sa akin. Masyado raw istrikto ang kanyang mama na kahit nasa US na sila ay nadala pa ang masamang ugali na sinasaklawan ang kanyang karapatan. Wala siyang kalayaang magpasya para sa sarili niya. Kapag mayroon siyang binabalak para sa sarili, kokontrahin ng kanyang mama. Laging binabara. Kesyo hindi raw maganda ang kanyang plano. Kesyo hindi raw tama kaya huwag pagpilitan. Kung anu-ano ang pintas sa kanyang mga ginagawa. Kaya wala raw siyang magawa kundi ang tahimik na umiyak. Hindi naman niya kayang sumagot o tumutol dahil hindi naman siya mananalo.
“Lahat ay pinanghimasukan. Maski sa pag-ibig ay nanghimasok daw ito. Sabi ni Monay, ang kanyang mama ang pumili ng kanyang napangasawa. Isang FilAm na nagngangalang Rodney. Nakilala ng pamilya nila si Rodney dahil ang mga magulang nito ay tubong Pampanga. Ang mama ni Monay ay nagmula sa Pampanga.
Sabi raw kay Monay ng kanyang mama, si Rodney na ang piliin nito dahil kilala ang pamilya sa Pampanga. Mabuti ang angkan na pinagmulan. Huwag daw kung sinu-sino na lang pipiliin, sabi raw ng mama ni Monay. Si Rodney ay isang marine.
“Nangyari ang gusto ng mama ni Monay. Kaya bago pinadala si Rodney sa Afghanistan, ikinasal sila. Pero sabi ni Monay, laban iyon sa kalooban niya.
“Hindi raw niya maramdaman kay Rodney ang tinatawag na ‘pag-ibig’. Mabait naman daw si Rodney pero talagang wala siyang madama sa asawa.
“Nagkaanak sila ni Rodney ng isang babae. Sa pagbalik ni Rodney sa Afghanistan, dun na nangyari ang trahedya na pumatay dito. Nagpapatrulya sa Kabul ang tropa nina Rodney ng isang landmine ang sumabog. Isa si Rodney sa napuruhan at namatay.
“Nang makarating sa kanya ang balita, umiyak siya. Kahit paano, mayroon din siyang naiukol na pagmamahal kay Rodney…” (Itutuloy)
- Latest