Monay (35)
Bago tuluyang umalis si Tito Nilo sinabi nito kay Joem na dadalo siya sa graduation nito.
“Ako ang alalay mo sa graduation,’’ sabi nitong nakatawa.
Mahigit isang buwan na lang at graduation na nila. Naisip ni Joem na kailangan ay kumayod pa siya nang todo para mayroon siyang maibili ng isusuot na sapatos. Pudpod na ang kanyang sapatos. Puwede nang hindi siya bumili ng itim na pantalon na isusuot dahil maaari pa naman ang kanyang isinusuot. Puting long sleeves ang bibilhin niya.
Kailangang magdoble kayod pa siya sa pagtitinda ng fishball para makaipon nang ibibili ng sapatos at white long sleeves.
Kapag Sabado at Linggo, maaga siyang magtitinda at sasagarin niya hanggang gabi. Kapag nagsimula siya ng alas nuwebe ng umaga sa pagtitinda at matatapos hanggang alas diyes ng gabi, marami siyang maiipon para maipambili nang isusuot.
Kailangan lang ay tiis, tiyaga at sipag. Makakaya niya ang lahat.
Habang papalapit ang kanilang graduation, nag-alala naman si Monay ukol sa isusuot ni Joem.
‘‘Paano ang isusuot mo, Joem? Malapit nang graduation natin?’’
‘‘Nag-iipon pa Monay.’’
Napatangu-tango si Monay pero nasa mukha nito ang pag-aalala.
Makalipas ang dalawang linggo, nakaipon si Joem nang pambili ng white long sleeves at itim na sapatos. Mumurahin lang ang mga ito pero maaari na.
Nakahinga siya nang maluwag dahil kumpleto na ang isusuot niya sa graduation.
Araw ng graduation. Naghihintay si Joem sa pagdating ni Tito Nilo. Nasa compound na siya ng school. Sabi ni Tito Nilo sa school na lamang sila magkita.
Pero malapit nang magsimula ang seremonya, wala pa rin si Tito Nilo. Nakalimutan yata na ngayon ang graduation.
Hindi mapakali si Joem.
(Itutuloy)
- Latest