Monay (11)
Hindi alam ni Joem kung pagkatapos ng high school ay makakapagpatuloy pa siya ng pag-aaral sa kolehiyo. Sa sitwasyon nila na kapos na kapos, imposibleng makapagkolehiyo siya. Lalo pa nga at mayroong demonyo sa kanilang bahay na nagdadala ng malas. Baka hindi na siya makapagkolehiyo kapag hindi natupad ang dalangin niyang mamatay na ito. Kapag nawala ang demonyo sa kanilang bahay baka sakaling matupad ang kanyang pangarap na makatapos ng kolehiyo. Sana mamatay na ang demonyo!
Kung hindi siya makakatapos ng pag-aaral, pagsisikapan niyang umunlad ang bahay. Hindi naman lahat nang guminhawa ang buhay ay nakatapos ng pag-aaral. May alam siyang mga school dropout na yumaman at nahigitan pa ang mga may college diploma. Sina Bill Gates, Steve Jobs at Steve Wozniak ay mga college dropout pero mga bilyonaryo.
Sana ganundin ang maging kapalaran niya. Sana maging bilyonaryo rin siya.
Hindi naman masama ang mangarap. Pero naisip ni Joem, sakali man at maging mayaman siya sa kabila na dropout, babalikan niya ang pag-aaral. Mahalaga pa rin sa kanya ang edukasyon. Tatapusin niya ang pag-aaral hanggang sa magka-diploma.
Sa ngayon, ang pinakaaasam niya ay mawala muna ang demonyo sa kanyang buhay. Mahirap mangarap kung nakikita niya ang amaing si Mauro na sinasaktan at pinahihirapan ang kanyang ina. Hindi siya makakapag-isip nang matino kapag nakikita ang ginagawa ng demonyong si Mauro.
ISANG tanghali, nagising siya sa ingay. Sumilip siya sa siwang ng pinto. Sinasaktan na naman ng demonyong si Mauro ang kanyang nanay. Ayaw ibigay ng kanyang nanay ang pera. Nag-aagawan sila sa pera. Lasing na lasing si Mauro.
Nagalit si Mauro at sinuntok ang kanyang ina. Tinamaan sa pisngi ang kanyang ina. Napalugmok ang kanyang ina.
Hindi niya maaaring pabayaan ang kanyang ina. Nahagilap ni Joem ang bote ng softdrinks sa likod ng pinto.
Lumabas siya at sinugod ang demonyo. Pinalo niya ito sa ulo.
‘‘Demonyo ka!’’
Isa pang palo ang binigay niya.
Duguan ang ulo ni Mauro. Hindi ito makagulapay sa kalasingan.
Hanggang sa matumba.
(Itutuloy)
- Latest