Ang babae sa Silong (122)
Kinabukasan, sa graduation ni Briel, masayang-masaya si Gab nang umakyat sa stage para magsabit ng medal sa kapatid. Kasama ring umakyat si Dado. Habang isinasabit ni Gab ang medalya sa kapatid, para siyang nakalutang sa alapaap dahil sa kaligayahan. Napagtapos niya ang kapatid sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan.
Nang matapos ang graduation at palabas na sila ng auditorium, binati ni Dado si Gab.
“Congrats Gab sa mga pagsasakripisyo sa iyong kapatid.’’
Halos mangiyak-ngiyak si Gab sa sinabi ni Dado.
‘‘Thank you Dads.’’
Si Briel naman ay nangingilid din ang luha na umakbay sa kapatid.
“Salamat Ate. Hayaan mo at kapag nagkatrabaho ako, hindi ka na maghahanapbuhay. Sa bahay ka na lang.’’
“Salamat, Briel. Pati si Mama, tulungan mo ha?’’
‘‘Oo naman.’’
‘‘Alam ni Mama na graduation mo ngayon kaya ipapadala ko sa kanya ang mga kuha nating pictures.’’
Nagsalita si Dado.
‘‘Bago tayo lumabas dito sa auditorium, picture-picture muna. Kukunan ko kayong dalawa. Mahalaga ang araw na ito.’’
Nagkuhanan sila ng picture.
Matapos iyon, nagtungo na sila sa restaurant. Nagpareserba na si Dado ilang araw bago sumapit ang graduation.
Masaya silang nagselebreyt.
Halatang-halata ni Dado ang kasiyahan ni Gab. Natupad na kasi ang pangarap nito para kay Briel.
Isang linggo ang lumipas, nagtungo si Gab sa kuwarto ni Dado. Mayroon itong ibabalita sa kasintahan.
“Mayroon kang magandang ibabalita ano, Gab?’’
“Ba’t mo alam?’’
“Kasi ang saya ng mukha mo. Maaliwalas na maaliwalas.’’
“May trabaho na si Briel, Dado!’’
“Talaga? Ang galing!’’
“Maaari na raw akong maupo at siya naman ang susuporta sa akin.’’
(Itutuloy)
- Latest