Ang babae sa silong (103)
‘‘Akala ko ba lagi kang positibo sa lahat nang bagay, Dads? ‘Di ba ikaw ang nagsasabi sa akin na ang isipin lagi ay positive at iyon ang mangyayari. Ano naman ang nakagugulo sa iyo sa sinabi ni Mama na tayo ang magkakatuluyan? Parang nagnenegatibo ka, Dads.’’
Napakamot sa ulo si Dado. Alanganin ang pagkakangiti.
‘‘Oo nga nagnenega ako, Gab. Sobrang nega.’’
‘‘Bakit nga?’’
‘‘Natatakot ako na hindi magustuhan ng babaing inirereto ng iyong mama. Ako lang ang may gusto e paano kung wala palang nadarama sa akin ang babaing ‘yun. At saka isa pa, ang pagkaalam ko sa babaing ‘yun ay ayaw magkaroon ng responsibilidad sa buhay. Gusto ay magsolo na lang habambuhay.’’
Hindi makapagsalita si Gab. Nakatingin lang kay Dado. Walang kakurap-kurap.
“Yan ang dahilan kaya ako naguguluhan at nagnenegatibo, Gab.’’
Saka lamang nakapagsalita si Gab.
‘‘Deretsahin mo nga ako Dads. Sabihin mo nang walang paliguy-ligoy.’’
‘‘Kung sabihin ko sa iyong napamahal ka na sa akin at ikaw lagi ang laman ng isipan ko, anong masasabi mo, Gab?’’
Hindi makasagot si Gab.
‘‘Kung sabihin kong bahagi ka na ng buhay ko at hindi na magiging maligaya kung wala ka, ano ang masasabi mo?’’
Nanatiling nakatingin lang si Gab na parang nahipnotismo at walang masabi.
At ang finale, masuyong sinabi ni Dado:
“Umiibig yata ako sa’yo Gab.’’
Sa sinabing ‘yun, biglang yumakap si Gab kay Dado. Isinubsob ang mukha sa balikat ng binata.
Tinapik-tapik ni Dado ang likod ni Gab.
“Huwag kang iiyak. Ayaw kong iiyak ka,’’ sabi nito.
Umangat si Gab sa pagkakasubsob.
‘‘Kung iiyak man ako sa pagkakataong ito, ‘yun ay dahil sa kaligayahan, Dads. Pinaligaya mo ako – walang kasingligaya!’’
(Itutuloy)
- Latest