Ang babae sa silong (100)
Hindi itinuloy ni Gab ang paglabas mula sa kuwarto at sa halip, nagkubli at pinakinggan ang sinasabi ng kanyang mama. Gusto ng mama niya si Dado para sa kanya. Gusto nito na sila ang magkatuluyan.
“Sorry Dado kung nagiging pranka ako sa iyo. Ganito talaga ako kapag gusto ko ang tao na aking kaharap. Hindi ako nahihiyang magsalita dahil alam kong mabuting tao ka. At magiging maligaya ako kung kayong dalawa ang magkakatuluyan. Nanliligaw ka ba kay Gab?’’
Hindi makasagot si Dado. Parang naipit siya.
“E, hindi pa po, Tita Ina.’’
‘‘Talagang magkaibigan lang kayo ngayon?’’
‘‘Opo.’’
‘‘Ligawan mo na si Gab, Dado. Magiging maligaya ako kapag kayong dalawa ang nagkatuluyan. Baka humaba ang buhay ko kapag kayo ang nakita kong ikinakasal.’’
Hindi makapagsalita si Dado. Talagang tinatapat na siya ng mama ni Gab.
‘‘Sigurado naman ako na binata ka. ‘Di ba Dado?’’
“Opo.’’
“Dalaga naman si Gab. Bagay kayo.’’
Hindi pa rin makapagsalita si Dado. Ano ba ang sasabihin niya sa pagkakataong ‘yun? Sasabihin ba niyang nasisiyahan na siya sa pagiging binata? Sasabihin ba niyang ayaw niya ng responsibilidad?
‘‘Basta nasabi ko na ang nasasaloob ko Dado. Ikaw na ang bahalang magpapasensiya kung masyado akong naging prangka. Basta kung makikita ko kayong dalawa ni Gab ang magkakatuluyan, hahaba ang buhay ko.’’
Napatango si Dado.
Maya-maya lumapit sa kanila si Auntie Mona at may sinabi sa kapatid.
‘‘Sige Dado at paliliguan ako ni Mona. Diyan ka muna. Baka lalabas na si Gab. Kumain na kayo ng agahang dalawa.’’
‘‘Opo.’’
Maya-maya lumabas na si Gab. Kumain sila ng agahan.
Pagkatapos kumain, niyaya siya ni Gab na mamasyal sa kaparangan na ‘di-kalayuan sa bahay.
Habang naglalakad, nagkukuwentuhan sila.
Sinabi ni Gab ang mga narinig kanina.
‘‘Narinig ko ang pag-uusap ninyo ni Mama kanina. Gusto ka talaga niya para sa akin.’’
‘‘Oo nga, Gab.’’
“Hindi ka makasagot sa kanya.’’ (Itutuloy)
- Latest