Ang Babae sa Silong (73)
Nang makababa ng jeepney si Gab, nakadama nang hindi maipaliwanag na kasiyahan si Dado dahil makakasama siya sa probinsiya. First time na makakarating siya sa isang lugar dahil sa pagsama sa isang itinuturing na niyang kaibigan. Akala niya kanina ay hindi papayag si Gab na isama siya. Mabuti at nagbago ang isip. Ang mama pala nito ang iniisip kaya tutol na isama siya. Baka kung ano raw ang isipin. At ayaw daw ni Gab na mag-iisip ang kanyang ina na dumaan sa matinding depression.
Naunawaan naman niya si Gab at kung talagang ayaw nito na isama siya, okey lang sa kanya. Naiintindihan niya ang kalagayan.
Pero nagbago ang desisyon ni Gab. Isasama na raw siya. Ayaw siguro ni Gab na magtampo siya.
Makikita niya ang mama ni Gab. Kamukha raw ito ni Gab? Ano kaya ang magiging reaksiyon kapag may nakitang kasamang lalaki si Gab?
Naalala ni Dado ang ipasasalubong sa mama ni Gab. Nag-isip siya nang magandang maipapasalubong. Kailangan ay yung regalo na agad mapapakinabangan.
Pasalubungan kaya niya ng magandang tsinelas?
Pero hindi niya alam ang size ng paa.
Kung pasalubungan kaya niya ng tuwalya?
Karaniwan na lang ang tuwalya bilang pasalubong.
Wala siyang maisip.
Kapag wala na siyang maisip, imported na dark chocolates ang ipasasalubong niya. Nabasa niya, ang dark chocolates ay nakabubuti sa nakararanas ng depression. Nakapagpapasigla raw ng kalooban. Tama! Dark chocolates ang bibilhin niya.
Araw nang pagtungo nila sa probinsiya. Maagang nagising si Dado. Excited siya. Sabi sa kanya ni Gab, eksaktong alas singko ng umaga sila aalis para maaga pa silang makarating sa probinsiya. Isang travelling bag ang dala niya.
Nang bumaba siya dakong 4:30 nakahanda na si Gab. Isang bag lang ang dala ni Gab.
“Tayo na Dads.’’
Binitbit niya ang bag ni Gab.
“Sasakay tayo ng taxi patungo sa bus station.’’
Paglabas nila ng apartment, eksaktong isang taxi ang dumaan. Tinawag ni Dado at nagpahatid sila sa bus station.
Tamang-tama ang dating nila sapagkat malapit nang mapuno ang bus. Nakaupo sila nang maayos.
“Ilang oras ang biyahe natin Gab?’’
“Dalawang oras, Dads.’’
Maya-maya pa, umalis na ang bus nila.
(Itutuloy)
- Latest