Ang Babae sa Silong (61)
Nagpatuloy si Gab sa pagkukuwento ng buhay nito at unti-unti nang nauunawaan ni Dado ang lahat. Nagkakaroon na ng hugis ang mga tauhan na ikinukuwento ni Gab sa kanya. Mayroon nang nabubuo sa kanyang isipan kung sino ang mga lalaking nakikita niyang nagtutungo sa inuupahang kuwarto ni Gab.
“Natuwa ako nang unti-unting makarekober si Mama sa depression bunga nang paghihiwalay nila ni Papa. Nabawasan ang mga alalahanin ko at pangamba. Hanggang sa tuluyan na ngang bumalik ang kanyang sigla at naging masayahin na. Ang kapatid na matandang dalaga ni Mama ang nag-alaga sa kanya habang ako at dalawang kapatid na lalaki ay narito sa Maynila.
‘‘Nagtrabaho ako sa call center para madagdagan ang kinikita. Kung sa share lamang ni Mama sa canteen ang aming aasahan ay kulang na kulang kaya kailangang gumawa ako ng paraan. Pinagpatuloy ko ng pag-aaral ang dalawa kong kapatid. ‘Yung suweldo ko sa call center halos sa tuition at allowance nila napupunta. Pero sabi ko sa sarili, kakayanin ko ang lahat. ‘Yung suweldo ni Mama sa share bilang may-ari ng canteen sa may UST ay pinadadala ko sa kanya sa probinsiya. Kailangan kasi niya ang pera roon. Para may maidagdag sa kinikita, naki-partner ako sa isang dating kaklase na may puwesto ng damitan sa Echague. Kahit paano kumikita ako roon. Iyon ang dahilan kaya nagtutungo ako sa Quiapo gaya nung nakasabay mo ako nun.
‘‘Okey na sana ang agos ng buhay naming magkakapatid. Pero nabago nang biglang dumating si Papa at sinabing iniwan na siya ng kabit at wala na siyang mapuntahan. Hindi na raw siya makakita ng trabaho dahil senior na.
“Gusto kong magsisigaw sa pagkakataong iyon. Pero pinigil ko ang sarili. Nagtimpi ako. Bakit may ganitong ama na pagkatapos kaming iwan dahil sa kanyang kabit ay biglang susulpot at parang pusang magpapaampon. Para bang wala siyang ginawang kasalanan sa amin…’’
Tumigil si Gab sa pagsasalita.
Nang tingnan ito ni Dado, may luhang nag-uunahan sa mga pisngi nito.
(Itutuloy)
- Latest