^

True Confessions

Ahas sa Garden (345)

Pilipino Star Ngayon

PAGKATAPOS bisita­hin nina Alexis at Franco ang libingan ni Brenda, nagtuloy sila sa isang restaurant.

Habang kumakain, muling inulit ni Franco ang kuwento kung pa­ano sila nagkahiwalay ng kapatid na si Brenda.

Nasa pier umano sila at sasakay ng barko nang magkahiwalay. Maraming tao sa pier at huli na ng kanyang malaman na wala na ang sinusundang kapa­tid. Nawala ito sa maraming tao. Hinanap niya subalit hindi niya makita. Bumalik siya sa lugar kung saan sila nagkahiwalay at baka bumalik din doon ang kapatid pero walang bumalik.

Hanggang sa ma­rinig niya ang pagsilbato nang paalis na barko. Iyak siya nang iyak habang tinatanaw ang paalis na barko na patungong Maynila. Alam niyang doon nakasakay ang kanyang Ate Brenda. Hanggang sa mawala sa paningin niya ang barko. Malayo na ito.

Naupo siya sa isang sulok at umiyak nang umiyak. Gutom na gutom din siya. Wala naman siyang pera na pam­bili ng pagkain. Ang kanyang Ate Brenda ang may pera.

Hanggang sa mapansin siya ng isang matandang lalaki na sa pagkaalam niya ay kargador sa pier. Nilapitan siya nito at tinanong kung bakit umiiyak. Sinabi niya na nagkahiwalay silang magkapatid. Nakasakay ito ng barko patungong Maynila. Tinanong ng matanda kung may mga magulang pa siya. Sinabi niyang ulila na sila. Tinanong siya kung may kamag-anak. Sinabi niyang meron pero masama ang ugali at minamaltrato sila.

Naawa sa kanya ang matanda at isinama siya nito sa tirahan nito sa isang squatters area na malapit lang sa pier. Biyudo na ang matanda at walang anak.

‘‘Mula noon, sa bahay na ni Tatang Indo ako tumira,” sabi ni Franco habang kumakain. ‘‘Itinuring niya akong apo. Sabi niya kung dara­ting daw ang Ate Brenda ko at kukunin ako e ‘di sumama raw ako. Pero hindi na ako binalikan ni Ate Brenda. Naghintay ako pero wala siya.

“Pinag-aral ako ni Tatang Indo. Nakatapos ako ng high school. Hanggang sa mamatay siya. Iyak ako nang iyak. Nag-iisa na naman ako. Pero pinilit kong tumayo sa sariling paa. Kaila­ngan kong mabuhay. Naghanap ako ng ma­pagkakakitaan. Nag-ja­nitor ako sa munisipyo at sa gabi, nag-aral ng dalawang taong kurso hanggang sa makatapos.’’

Nakikinig si Alexis sa kuwento ng buhay ni Franco. Humahanga siya rito na kahit iniwan ng kapatid ay pinilit na tumayo sa sariling mga paa.

(Itutuloy)

 

ALEXIS

FRANCO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with