Teritoryo natin inaagaw habang dumadagsa sila
NAGKATAON lang ba na habang inaagaw ng China ang mga teritoryo ng Pilipinas ay daan-libong manggagawang Chinese naman ay dumadagsa sa kapuluan? Baka ang tanong ay hindi ano kundi bakit.
Masdan ang mga lumalalang kaganapan. Tumitindi ang pag-angkin ng China sa Pagasa Island at Sandy Cay sa Kalayaan, Palawan. Gan’un din sa pangisdaang Bajo deMasinloc (Scarborough Shoal) na bahagi ng Zambales. Gan’un din sa Recto Bank sa Palawan na mayaman sa langis at gas. Ganun din sa pitong bahura sa 200-milyang exclusive economic zone ng Pilipinas. Kumakathang-isip pa ang China ng kasaysayan para igiit ang ilegal at walang batayang pang-aangkin.
Samantala, dumadagsa ang mga manggagawa nila sa construction at online gaming. Dahil libu-libo ang mga karpintero, electricians, mason, tubero, pintor at welders sa ginagawa ng China na mga tulay at riles, nawawalan ng trabaho ang mga Pilipino. Libu-libo rin ang Mandarin-speaking na empleyado ng online gaming, kaya nagmamahal ang upa sa condos. Ito’y bagamat galit umano ang pamunuan sa Beijing sa sugal. May mga restoran na Chinese lang ang maaring pumasok.
Samantala rin, inuudyukan ng China ang gobyerno na umutang nang bilyun-bilyong dolyar. Kumpara sa overseas development aid ng Japan o Europe, mataas ang interes ng China, at maikli ang panahon ng bayaran. Mas malala, may mga kolatilya pa na iilitin ng China ang natural resources natin kung hindi makabayad sa utang ang gobyerno.
Samantala, patuloy ang pasok ng droga sa Pilipinas. Galing daw ito sa Golden Triangle tri-boundaries ng Myanmar, Laos, at Thailand. Hawak ng Beijing ang pamunuan sa Myanmar at Laos. Panguluhan ni Fidel Ramos nang mabisto na may mga heneral sa People’s Liberation Army na sangkot sa pag-smuggle ng shabu sa Pilipinas. Inaadik nila ang mga Pilipino, at sinusuhulan ang narco-politicians, para manghina tayo.
Parang ginawa ng Japan bago tayo lupigin nu’ng 1941.
- Latest