Damo sa Pilapil (65)
MULA noon, lalo pang pinagbuti ni Zac ang pag-aaral. Naging hamon sa kanya ang pagtawag ni Bogs ng “boy” na may himig pagmamaliit sa kanya. Isa pang naging hamon sa kanya ay ang lalaking supervisor niya sa opisina na lagi siyang kinagagalitan kahit na tama ang kanyang ginagawa.
Ipakikita niya sa dalawang ito na ang “maliit” na tulad niya ay maaaring umangat. Na ang tulad niyang “damo sa pilapil” gaya nang sinabi ng kanyang itay ay maaaring magtagumpay at makamit lahat ang pangarap sa buhay.
Mula rin noon ay hindi na siya nag-iisip ng kung anu-ano kay Mam Dulce lalo pa kung dumadalaw itong si Bogs. E ano ba kung nanliligaw si Bogs kay Mam. Bahala si Mam na protektahan ang sarili kung may binabalak si Bogs sa kanya. Wala na siyang pakialam sa gustong gawin ng mga ito.
Basta siya, nakatuon ang pansin sa pagtatrabaho at pag-aaral. Wala nang iba pa. Madalas naman niyang tawagan ang kanyang itay at inay at kapatid na babae. Ibinabalita niya sa mga ito na matatas ang kanyang grades. Tuwang-tuwa ang kanyang itay at inay at kapatid. Nagpapaumanhin siya na hindi muna makakauwi sa probinsiya. Naunawaan naman siya ng mga magulang.
HANGGANG lumipas ang apat na taon. Ga-graduate na si Zac sa kolehiyo.
Masaya niyang ibinalita kay Mam Dulce na cum laude siyang magtatapos. Tuwang-tuwa si Mam.
‘‘Wow! Congrats Zac. Napakahusay mo! Ang galing mo!’’
“Salamat Mam. Ikaw po ang magsasabit ng medal ko. Hindi po makakarating sina Itay.’’
(Itutuloy)
- Latest