Damo sa Pilapil (55)
ININGATAN ni Zac na huwag magising si Mam Dulce kaya dahan-dahan ang ginawa niyang pagbababa rito sa kama. Mabuti nga at nakatulog si Mam para lubusang mawala na ang pananakit ng ulo. Baka nakabuti ang pag-inom ng gamot sapagkat lalong nahimbing sa pagtulog.
Nang maibaba sa kama, iniayos ni Zac ang katawan ni Mam. Inilagay nang maayos ang unan. Nilagyan pa ng dalawang unan sa magkabilang gilid para lalong mahimbing. Inayos ang pagkakakumot.
Nang inaakala niyang wala nang dapat ayusin sa pagkakahiga ni Mam ay ipinasya na niyang lumabas. Pero nagbago ang pasya niya at nanatili sa kuwarto. Baka biglang magising si Mam at may iutos sa kanya. Baka pupunta sa comfort room ay mahirapang bumangon. Kailangang alalayan.
Ipinasya niyang maupo sa silya. Maghihintay siya ng mga 30 minutes. Kailangang makita siya ni Mam sa pagbubukas ng mga mata nito.
Habang nakaupo sa silya ay napagmasdan na naman ni Zac si Mam. Hindi nagbabago ang anyo nito. Maganda pa rin sa kabila na may edad na. Napanatili ni Mam ang kaakit-akit na anyo. Gustung-gusto niya ang kaanyuan ni Mam. Dahil kaya mabait ito sa kanya kaya ganoon na lamang ang kanyang pagkaakit dito.
Napagmasdan niya ang labi ni Mam. Manipis na manipis. Katamtaman ang tangos ng ilong. Katamtaman ang lago ng kilay. Ito ang kagandahang walang pingas. Hindi katulad ng ibang babae na walang kasiyahan sa kanilang kaanyuan at gustong iparetoke.
Matagal pa niyang pinagmasdan si Mam. Ano itong nangyayari sa kanya? Ano itong nararamdaman niya kay Mam Dulce?
(Itutuloy)
- Latest