Damo sa Pilapil(43)
NAHIYA si Zac sa paghawak sa baywang ni Mam Dulce kaya inalis agad ang kamay doon nang lubusan nang makatayo mula sa kama. Kung hindi kasi niya aalalayan ang baywang ay baka mawalan ng panimbang at mapasubsob ito.
Inakay niya si Mam hanggang sa comfort room. May sariling CR sa kuwarto si Mam. Pumasok si Mam sa CR.
Nagbalik si Zac sa kanyang kinauupuan kanina. Naririnig niya ang ingay nang bumabagsak na tubig mula sa CR.
Dapat nga lang na bantayan niya si Mam sapagkat nakakaawa kung walang aalalay sa pagtayo nito mula sa kama. Mahirap na nag-iisa ito. Kawawa naman. Kaya tama lang ang desisyon niya na huwag nang pumasok sa opisina nila at sa school.
Kapag tinanong siya bukas sa opisina kung bakit absent, sasabihin niyang emergency. Ipa-file na lang niya ng vacation leave. Hindi talaga niya maaaring iwan si Mam sa ganitong kalagayan. Kahit buhay niya ay ipagkakaloob niya dahil kay Mam. Malaki ang utang na loob niya kay Mam. Kung hindi dahil dito ay baka nasa probinsiya pa siya at nag-aararo.
“Zac, akayin mo nga uli ako. Para akong matutumba. Umiikot ang tingin ko,” tawag ni Mam.
Napatakbo si Zac kay Mam.
Inalalayan niya. Ang kanyang kanang kamay ay isinalikop sa baywang ni Mam at dahan-dahang inihakbang.
“Baka kailangan ay magpadoktor ka na Mam,’’ sabi niya.
“Hindi na, Zac. Bigla kasi akong tumungo kaya ako umikot ang tingin ko.’’
Nakarating sila sa kama. Dahan-dahang iniupo ni Zac si Mam. Nakaalalay pa rin ang kamay niya sa baywang.
“Salamat, Zac.’’
“Babantayan kita rito sa kuwarto mo, Mam. Nahihirapan ka sa pagpunta sa CR.’’
‘‘Baka mamaya kaya ko na.’’
‘‘Pupuntahan na lang kita oras-oras dito para ma-monitor kita Mam.’’
‘‘Sige. Matulog ka na rin at kanina ka pa walang pahinga. Iwanan mo nang nakaawang ang pinto.’’
“Sige Mam.’’
Nagbalik sa kuwarto niya si Zac.
Pero hindi siya makatulog dahil inaalala ang kalagayan ni Mam Dulce.
Dinala niya ang laptop at nagtungo sa kuwarto ni Mam.
Tulog na si Mam.
Naupo siya at binuksan ang laptop.
Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya si Mam habang natutulog.
Napansin niya, maganda pala si Mam kahit may edad na.
(Itutuloy)
- Latest