Damo sa Pilapil (39)
HINDI pumasok sa kuwarto ni Mam Dulce si Zac. Hinintay na lamang niya na lumabas si Mam Dulce.
‘‘Eto ang cell phone. Luma na ito pero maayos pang gamitin. Siguro naman ay marunong ang kapatid mong babae na gumamit ng cell phone,”’ sabi ni Mam Dulce habang iniaabot ang cell phone na nasa box.
“A marunong po si Ate, Mam.’’
‘‘Ah Ate mo pala. Mabuti naman at marunong siya. Bukas e ipadala mo na agad ‘yan para magamit. Makapagtatawagan na kayo. Mabuti ‘yung laging may communications sa magulang. Lagi mo silang tatawagan.’’
“Opo Mam. Ipadadala ko po agad ito sa kanila. Tiyak pong matutuwa sina Itay at Inay sa bigay mo.’’
“Sige. Balitaan mo ako kapag natanggap na nila at nakapag-usap na kayo.’’
“Opo Mam Dulce. Salamat po uli.’’
KINABUKASAN, agad na ipinadala ni Zac ang cell phone sa mga magulang.
At makaraan ang dalawang araw, natanggap na ito sa probinsiya.
Tinawagan agad ni Zac. Ang ate niya ang sumagot at ipinasa sa mga magulang.
“Kumusta po, Itay?’’
“Mabuti naman, Zac. Salamat sa padala mong cell phone.’’
‘‘Si Mam Dulce po ang nagbigay niyan Itay. Para raw po lagi tayong nakakapag-usap. Napakabait po ni Mam, Itay.’’
‘‘Sa kanya ba galing ang cell phone ? Aba, sabihin mo ay salamat sa kanya.’’
‘‘Sige po at sasabihin ko. Binigyan din po niya ako ng cell phone at laptop. Natuwa po dahil mataas ang grades ko last semester.’’
‘‘Aba ay talagang mabait pala ano. E kumusta naman ang trabaho mo?’’
“Mabuti naman po, Itay.’’
“Anong oras ang pasok mo sa trabaho?’’
“Alas otso po ng umaga hanggang alas-singko.’’
“Sa school anong oras ang pasok mo?’’
“Five thirty po ng hapon hanggang alas nuwebe.’’
“Mag-ingat ka Zac. Nahihiya ako at hindi ka namin matulungan. Ibang tao pa ang tumutulong sa iyo diyan.’’
“Okey lang naman Itay. Kaya ko namang tiisin ang hirap. Basta pag-uwi ko diyan ay tapos na ako ng kolehiyo. Makaka-graduate ako nang maayos, Itay. Kahit damo sa pilapil ako Itay, kakayanin ko.’’
“Sige, Zac.’’
(Itutuloy)
- Latest