Damo Sa Pilapil (13)
MARAMING pagkain sa mesa nang magtungo si Zac. Nakaramdam siya ng gutom dahil na rin sa pagod sa paglilinis ng kanyang kuwarto.
Nasaan kaya si Mam Dulceamor? Tanong niya sa sarili. Nag-aalangan siyang kumaing mag-isa. Pero sabi naman sa kanya ni Mam Dulce, kumain na lang siya. Bahala na siyang pumili ng kakainin.
Kumain siya. Masarap ang pagkain. Ang mga ganitong pagkain ay makikita lamang sa maykayang pamilya. Sa totoo lang, ngayon lang siya nakakain ng ganitong mga putahe.
Matatapos na siyang kumain nang dumating si Mam Dulce.
“Mam kumain ka na po,” anyaya niya. “Nauna na po akong kumain.’’
“Tapos na akong kumain. Iwan mo na lang ang pinagkainan mo sa lababo at ihanda mo ang mga papeles na kakailanganin mo bukas para sa pag-aaplay sa kompanya. Ida-drop lang kita roon at bahala na ang personnel sa’yo. Alam na nila na may ipapasok akong messenger. Mayroon kasi akong pupuntahang meeting bukas at sa gabi na ang balik ko kaya mag-isa kang uuwi rito. Bibigyan kita ng susi. Mayroon ka namang kakainin pagdating mo rito, okey?’’
“Opo Mam.’’
“Good. Sige, ayusin mo ang mga papeles mo at iba pang requirements at bukas, bago mag-7:00 a.m. aalis tayo.’’
“Opo Mam.’’
NAIPASOK na messenger si Zac sa kompanya nina Mam Dulce at nagsimula na rin agad siya kinabukasan.
Hindi maipaliwanag ni Zac ang kasiyahan. Naipangako niyang pagbubutihin ang trabaho. Hindi niya ipapahiya si Mam Dulce.
(Itutuloy)
- Latest