Ang Magkapatid
(Wakas)
ANG labis na ikinagulat ng magkapatid na Ipe at Ada ay nang anyayahan sila ni Sir Henry para sa isang salu-salo sa malaki nitong bahay. At hindi lamang sila kundi pati na rin si Karla, Gemo, Manong Nesto, Manang Caridad at anak nitong si Joey.
“Ano pong okasyon, Daddy,” tanong ni Ipe.
“Pasasalamat ko dahil sa mga biyayang nakamtan. Isa pa, dahil malapit na rin ang birthday at para na rin sa nalalapit ninyong kasal ni Hannah. Gusto kong magsama-sama tayo at masayang magkakainan. Mga 6:00 p.m. narito na kayo. Hihintayin ko kayo.’’
“Sige po Daddy. Ipaaalam ko po ang paanyaya sa lahat.’’
Tuwang-tuwa ang mga imbitado.
“Napakabait naman ng biyenan mo, Ipe,” sabi ni Karla.
“Mabait talaga siya, Tita.’’
“Makakatapak din ako sa mansiyon niya, ha-ha-ha!’’
Hanggang dumating ang araw na pagsasalo sa bahay ni Sir Henry. Eksaktong 6:00 p.m. ay dumating na ang mga imbitado. Sa malawak na garden idaraos ang masaganang hapunan. Napakaraming pagkain.
Nagsalita si Sir Henry bago ang kainan.
“Nagpapasalamat ako sa pagdalo n’yo. Masayang-masaya ako sa araw na ito. Isi-share ko sa inyo ang mga biyayang natanggap ko. Gusto ko ring ipabatid ang pagpapakasal nina John Philip at Hannah. Gusto ko ring sabihin na si John Philip na ang mangangasiwa nang lahat kong ari-arian. Nagtitiwala ako sa aking future manugang kaya isinasalin ko na sa kanya lahat. Sinuman ang may kailangan sa inyo – pinansiyal lumapit lang kay John Philip. Ikaw Karla, i-expand mo ang iyong eatery. Gusto ko ring anyayahan si Manong Nesto at Manang Caridad na dito na sa bahay ko magtrabaho. Kung gusto ng anak ni Manang na si Joey na dito na rin, welcome siya.
“Si Ada at Gemo, nalaman ko mula kay John Philip na balak mag-abroad. Good luck sa inyo. Gusto ko magtagumpay kayo. Salamat sa inyo. Sige, kumain na tayo.’’
Nagpalakpakan ang lahat sa sinabi ng mabait na si Sir Henry. Kinamayan ni Ipe ang biyenan. Pagkatapos, niyakap naman ito ni Ada.
(BUKAS, ABANGAN ANG ISA PANG BAGONG NOBELA NI RONNIE M. HALOS NA IGINUHIT PA RIN NI NILO COMODA.)
- Latest