Ang Magkapatid (144)
“HANAPIN na natin si Papa. Kawawa naman siya,” sabi ni Gemo.
“Bukas ng umaga subukan nating puntahan sa kanyang kapatid sa Project 6. Maaaring doon siya nagpunta.’’
“Si Tita Glo ba ang sinasabi mo Mama?’’
“Oo. Iyon lang ang maaari niyang puntahan. Nabanggit kasi niya na humingi rin siya ng tawad sa kapatid niya. Nagalit kasi si Tita Glo sa ginawa sa atin ng Papa mo. Wala lang magawang tulong sa atin si Glo dahil hirap din ang buhay niya.’’
Hindi pa sila natatapos sa pag-uusap ay may tumawag sa CP ng mama ni Gemo. Si Tita Glo at sinasabing nasa bahay nito ang kapatid o ang papa ni Gemo. Mahina raw ang katawan kaya ipinasyang dalhin na sa ospital. Sinabi ang ospital na pinagdalhan. Medyo okey na naman daw ang katawan.
“Pupunta kami sa ospital,” sabi ng mama ni Gemo. “Kasama ko si Gemo at ang kapatid niya!’’
KINABUKASAN, nagtungo nga sila sa isang ospital sa Quezon City. Kasama rin si Ada sa mag-anak. Naging bahagi na siya ng pamilya ni Gemo. Hindi niya iiwan ang kasintahan kahit saan makarating.
“Kinakabahan ako sa pagkikita namin ni Papa, Ada,” sabing pabulong ni Gemo habang naglalakad sila sa pasilyo ng ospital patungo sa room na kinaroroonan ng amang maysakit.
“Ipanatag mo ang sarili mo, Gem. Ganyan din ang naramdaman ko noon nang puntahan namin si Papa.’’
“Ano kayang lagay ni Papa?’’
“Okey naman siguro siya. Relaks kang lang Gem.’’
Nakita nila ang room ng papa ni Gem. Pumasok sila. Naroon ang Tita Glo ni Gemo.
“Halikayo!” sabi nito at saka binalingan ang nakahigang pasyente at sinabing narito na ang hinihintay.
Nagmulat ng mga mata at nakita ang pa-milya nito.
Si Gemo ang unang kumilos at niyakap ang ama.
“Kumusta ka Papa?’’
“Salamat at dumating ka, Gemo. Patawad anak ko,” sabi sa mahinang boses.
Pagkatapos ay ang kapatid naman ni Gemo ang yumakap sa ama. Umiyak ang kanyang ama habang yakap ang kapatid ni Gemo. Nayugyog ang balikat nito.
Nakatingin sina Ada, mama at tita ni Gemo habang sa mga mata nila ay nagbabanta ang pagluha.
(Itutuloy)
- Latest