Ang Magkapatid (65)
NAKINIG si Sir Henry sa kuwento ni Ipe. Masyado siyang natangay sa kuwento ng dating tauhan.
“Iniwan po si Mama sa resthouse sa Laguna. Kasama po ng matapobreng matanda pagluwas ng Maynila ang aking ama na hindi man lang nag-alala na tatlong buwang buntis na ito. Iniwan nila sa isang lugar na wala man lang kilala si Mama. Noon lang nakapunta si Mama sa Laguna.’’
“Bakit sila napunta sa Laguna, John Phillip?’’
“Nagtanan po sila, Sir. Buntis na kasi si Mama at sa kalituhan nila nagtanan at sa resthouse nga dinala.’’
“Buntis si Mama mo sa iyo?’’
“Opo.’’
“Pagkatapos ay anong nangyari?’’
“Iyak po nang iyak si Mama sa nangyari. Kasi talagang halatang iniwan siya roon at wala nang balak balikan pa. Mabuti na lang daw po at mabait ang caretaker ng resthouse at inasikaso si Mama. Itinuro po kung paano sasakay ng bus patungong Maynila. Sa awa po ng Diyos, nakauwi si Mama sa kanyang ina at napatawad naman siya. Hanggang sa ipanganak ako.’’
“Talagang hindi na nagpakita ang father mo?’’
“Nagpakita po makaraang ipanganak ako. Dahil mahal ni Mama, bumigay uli ito nabuo naman si Ada. Mula nang ipanganak si Ada, hindi na nagpakita hanggang mabalitaan ni Mama na nag-asawa na raw si Papa sa isang mayamang babae na ang pumili ay ang matapobre niyang ina.’’
“Hmnm, interesting ang kuwento mo. Makulay pala talaga.’’
“Oo nga po Sir.’’
“Hanggang namatay nga ang mama mo at hindi man lang sumilip ang father mo sa burol?’
“Hindi po.’’
“Ibang klaseng lalaki! Tama nga lang na kapootan mo. Kung ako ang nasa katayuan mo, ganyan din ang madarama ko.’’
Marami pang napagkuwentuhan ang dalawa. Hanggang magpaalam na si Ipe.
“Dumalaw ka uli rito ha John Phillip. Magkuwentuhan muli tayo.’’
“Once a month po, dadalawin kita, Sir.’’
“Hihintayin kita, John Phillip.’’
SUBSOB sa pag-aaral si Ada. Desididong makapagtapos ng Nursing.
“Kumustang pag-aaral mo, Ada?’’ tanong ni Ipe isang umaga.
“Okey naman Kuya. Nakakapagod lang dahil nagdu-duty na ako.’’
“Wow talagang patungo ka na sa pagiging nurse.’’
“Malapit-lapit na Kuya!’’
“Paghusayan mo pa.’’
(Itutuloy)
- Latest