Ang Magkapatid (40)
“KUYA, bakit hindi ka pa mag-resign sa fastfood para makatutok ka sa pagre-review mo sa board exam?’’ Sabi ni Ada na nag-aalala sapagkat pagod na pagod ang kanyang kuya sa pagtatrabaho at saka nagrerebyu.
“Hindi muna ngayon. Saan tayo kukuha ng kakainin. Hindi magkakasya ang kinikita natin sa pagse-xerox. Kapag lumabas na ang board exam saka ako magre-resign sa fast food.’’
“Kasi inaalala ko na masyado kang napapagod.’’
‘‘Kaya ko ito. Don’t worry. Kapag nakapasa na ako sa board, makakapagtrabaho na ako nang maganda at hindi ka na magse-xerox. Siyanga pala, pagbutihin mo ang pag-aaral, next year magka-college ka na. Kailangang maipasa mo ang entrance exam sa unibersidad para makapag-aral ka ng nursing. Hindi ka ba nagbabago ng pasya sa kukunin?’’
“Kuya, noon pa, gusto ko nang mag-nursing. Maski noong buhay pa si Mama at tinatanong ako, nursing na ang sinasabi kong kukunin.’’
“Sige, kung yan talaga ang gusto mo, pagsikapan mong makuha. Kaya pagbutihan mo ang entrance exam. Palagay ko kakayanin mo naman.’’
“Pagbubutihan ko Kuya. Gagayahin ko ikaw --- model kita eh, he-he-he!’’
“Sige.’’
Nang biglang may naalala si Ada.
“Siyanga pala may sinabi sa akin sa text si Ninang Karla.’’
‘‘Ano yun?’’
‘‘Baka umuwi na siya.’’
‘‘Hindi na siya magdi-DH?’’
‘‘Kasi yun palang mga kinita niya, winawaldas lang ng asawa niya. Nambababae raw. Napapabayaan ang mga anak. Padala siya nang padala pero pawang pagpapasarap ang ginagawa ng asawa.’’
Napailing-iling si Ipe.”
“Kapag nagkaroon na ako nang magandang trabaho, tutulungan ko si Tita Karla. Malaki ang naitulong niya sa atin. Mula nang mamatay si Mama siya na lagi ang tumutulong sa atin. Kapag nagkaroon ako nang maraming pera, bibigyan ko siya nang pampuhunan. Ibabalik ko lahat ang mga itinulong niya. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga kabutihang ginawa niya sa atin.’’
Nakatingin lang si Ada kay Ipe. Totoo ang sinabi ng kanyang kuya, maraming naitulong si Ninang Karla sa kanila. Kung siya man ang magkakaroon ng magandang kapalaran, ganundin ang gagawin niya. Ibabalik din niya ang mga naitulong ni Ninang Karla.
(Itutuloy)
- Latest