Ang Magkakapatid (32)
“WALA na kaming pagkakakitaan ni Kuya, Ninang!’’ sabi ni Ada habang akay ni Karla at inilalayo sa nasusunog na palengke. Damang-dama nila ang init. Naririnig nila ang wangwang at ang pagdating ng mga bumbero.
“Mahalaga pa ba yun kaysa sa buhay mo? Halika na, delikado ang buhay natin dito.’’
“Ninang paano na kami ni Kuya?’’
“Bahala na! Halika na!’’
Nakalabas sila sa palengke. Nakita nila ang maraming tao na nagtatakbuhan at may bitbit na timba na may lamang tubig. Tumutulong para mapatay ang apoy na patuloy na lumalaki dahil malakas ang hangin. May nakita silang umiiyak dahil nasunog din ang puwesto.
Nakakabingi ang ingay ng mga truck ng bumbero. Halos buma- ha na sa kanilang daraanan dahil sa walang tigil na pagbomba ng tubig. Pero kahit na maraming bumobomba, parang lalo pang lumalaki ang apoy. Gustong lumipat pa sa mga kabahayan na katabi ng palengke.
“Ninang hindi kaya abutin ang ating bahay? Parang ang bilis kumalat ng apoy.’’
“Hindi naman siguro, Ada. Malayo pa ang bahay natin.’’
“Kawawa naman tayo kapag nadamay pa ang bahay. Paano na tayo?’’ sabi ni Ada na parang iiyak na naman.
“Huwag kang matakot. Hindi masusunog ang bahay natin.’’
Nakarating sila sa bahay. Mula roon ay kitang-kita nila ang maitim na usok mula sa nasusunog na palengke. Parang ang lapit sa kanila.
Makaraan ang dalawang oras, dineklarang fireout ang sunog. Saka lamang naka-hinga nang maluwag si Ada.
Pagdating ng kanyang Kuya Ipe mula sa school, sinabi niya ang nangyari. Pero alam na pala ni Ipe ang balita na pagkasunog ng palengke.
“Paano tayo Kuya, walang natira sa stall natin?’’
“Huwag kang mag-worry. Hindi pa kata-pusan ng mundo.’’
(Itutuloy)
- Latest