Black Widow (151)

BALIW na nga yata si Jam sapagkat masama na ang iniisip para makaganti kina Marie at Jose. At isa sa masamang naisip ay ang balak na pagkidnap sa anak ni Jose na si Iya.

Napangiti si Jam sa iniisip. Kapag nagawa niya iyon, sobra-sob­rang nakaganti pa siya kay Jose dahil sa pagbabalewala sa kanya. Kapag hawak na niya si Iya, baka magmaka­awa pa sa kanya si Jose. Baka sabihin nito na pa­kawalan lamang ang anak ay payag nang makisama sa kanya. Posible ang kanyang naisip. Magta­tagumpay siya sa naisip. Makakaganti na siya sa mga nambalewala sa kanya.

Sa kanyang plano, aabangan niya si Iya ha­bang palabas sa school. Gagawa siya ng paraan na maisama ito. Kilala na naman siya ni Iya kaya madali na niya itong maisasama. Isang taksi ang kanyang aarkilahin at dadalhin sa malayo ang bata. Dadal­hin niya sa isang resort sa Nagcarlan. Nakarating na siya roon. Maganda roon. Hindi maghihinala si Iya na kinidnap na niya ito.

Pinag-aralang mabuti ni Jam ang gagawin. Ka­ilangang huwag pumalpak ang plano niya. Ipatutubos niya si Iya sa ma­laking halaga. Kapag hindi siya sinunod ni Jose, masama ang mangyayari sa kanyang anak!

Hindi siya papasok sa trabaho para maisagawa ang balak. Mas mahalaga ang kanyang balak kaysa sa trabaho. Kailangang maisagawa na niya ang paghihiganti sa mga taong nagbalewala sa kanya.

Bukas na bukas ay sisimulan na niya ang pagsubaybay kay Iya.

NAG-UUSAP sina Marie at Jose tungkol kina Pau at Iya.

“Balak ko sa school bus na lang si Iya. Masyado nang hectic ang schedule ko para ihatid at sunduin siya. Si Pau, anong balak mo sa kanya?’’

“Balak ko rin sa school bus na.’’ “Mas mabuti para magka­sama pa rin sila.’’

“Sa palagay mo ma­buti ang school bus?”’

“Oo naman. Siguruhin lang natin na ang school bus ay awtorisado ng school.’’

“Okey sige. Nahihirapan na rin ako sa hatid-sundo.’’

“At saka nagdadalaga na sila, Marie. Nahihiya nang sinusundo.’’

“Oo nga.’’

(Itutuloy)

Show comments